CALAMBA CITY (PIA) — Nakahanda ang Police Regional Office (PRO) Calabarzon para sa pagpapatupad ng Oplan Summer Vacation (Sumvac) 2023 upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga motorista, commuters, at turista, na bibisita sa mga lugar sa rehiyon ngayong Semana Santa at summer vacation.
Sa kanyang ulat sa papupulong ng Regional Peace and Order Council Calabarzon kamakailan, sinabi ni PRO Regional Director Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na 85-porsiyento o 5,930 kapulisan sa rehiyon ang itatalaga sa mga strategic points upang tutukan ang mga border control checkpoints at anti-criminality operations.
Maglalagay din aniya ang PRO Calabarzon ng mga police assistance desks sa mga matatataong lugar gaya ng simbahan, pantalan, at mga transport hubs para sa mas mabilis na pagresponde ng pulisya kung kinakailangan.
Ayon kay Nartatez, inaasahan ang pagdagsa ng mga deboto na magtutungo sa mga kilalang pilgrimage sites sa Calabarzon gayundin ang mga turistang magbabakasyon sa mga tourism sites sa rehiyon.
Kaugnay nito ay nakahanda na rin ang iba pang ahensiya ng gobyerno gaya ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG) para suportahan ang mga hakbang ng kapulisan pagdating sa emergency response.
Nakahanda ring magbigay ang 2nd Infantry Division ng Philippine Army ng karagdagang suporta kung kakailanganin habang nakahimpil naman ang Southern Luzon Command upang masiguro ang seguridad sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. — PIAGOVPH4A