BATANGAS CITY (PIA) — Nakahanda ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas na tugunan ang banta ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Princess Empress sa bahagi ng Oriental Mindoro na pinangangambahang umabot sa karagatang sakop ng probinsiya, partikular sa Verde Island Passage.
Ayon sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), agad na nagsagawa ng inisyal na imbentaryo ang kanilang tanggapan para sa mga kagamitan at hakbang na kakailanganin upang tugunan ang nakaambang epekto ng oil spill sa Verde Island Passage at iba pang bahagi ng Batangas.
Nakipag-ugnayan na rin ang pamahalaang panlalawigan sa Philippine Coast Guard (PCG) Batangas para sa isang komprehensibong contingency plan.
Binigyang-diin ni Governor Hermilando Mandanas ang kahalagahan ng kahandaan ng lalawigan upang makontrol at mapagaan ang maaaring maging epekto ng tumagas na langis sa kapaligiran partikular sa tubig at yaman nito gayundin sa kabuhayan at kalusugan ng mga sakaling maaapektuhan nito sa baybaying bahagi ng lalawigan.
Ayon pa sa Gobernador, maigting ang kahandaan ng lalawigan sa mga ganitong sitwasyon dahil taong 1995 pa aniya nagsimula ang komprehensibong pagpaplano para sa mga posibilidad ng pagkakaroon ng oil spill at leaks sa Batangas Bay.
Ayon kay Mandanas, isang national concern ang paglubog ng oil tanker at pagtagas ng langis nito dahil maraming lugar ang naapektuhan at posible pang maapektuhan.
Makikipag-ugnayan din ang pamahalaang panlalawigan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Science and Technology para sa ekspertong pag-aaral ng sitwasyon at paghahanda para sa posibleng aksyong legal laban sa may-ari ng lumubog na tanker.
‘Blue Alert’ status sa Batangas
Sa mungkahi ni PDRRMO Batangas Assistant Department Head Fe Fernandez, isasailalim sa Blue Alert Status ang lalawigan upang magkaroon ng paunang paghahanda lalo na ang mga posibleng apektadong lugar at patuloy na risk analysis at monitoring gayundin ang tamang pagtugon dito.
Inirerekomenda rin ng Batangas PDRRMO na itaas ang alert status ng lalawigan upang maigting na matutukan ang mga hakbang kaugnay ng banta ng oil spill sa mayamang karagatan ng Verde Island Passage.
Iba pang tanggapan, ahensiya ng gobyerno nakahanda
Nagpahayag naman ng kahandaan ng mga tanggapan sa pamahalaang panlalawigan tulad ng Provincial Social Welfare and Development Office(PSWDO) upang matugunan ang pangangailangan ng mga posibleng maapektuhan.
Nagsagawa naman ng water quality monitoring ang Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) katuwang ang PCG upang masigurong hindi pa umaabot sa lalawigan ng Batangas ang oil spill.
Bukod pa dito, makikipag-ugnayan din ang pamahalaang panlalawigan sa mga Bantay Dagat Network at lokal na mangingisda para masubaybayan ang karagatang sakop ng kani-kanilang lokalidad.
Sinabi naman ni PCG Batangas Commander Capt. Victorino Ronaldo Acosta IV na mas palalawakin ang information education campaign tungkol sa naturng sitwasyon at tuturuan ang mga residente na maggawa at gumamit ng booms at artificial barriers kontra sa langis gamit ang mga lokal na materyales tulad ng dayami at bunot ng niyog.
Maigting rin anilang susubaybayan ang sitwasyon ng oil spill sa lugar katuwang ang Philippine Air Force na magsasagawa ng aerial monitoring.
Nagpahayag naman ng pakikiisa ang mga pribadong kumpanya na matatagpuan sa baybayin ng lalawigan para sa kanilang kahandaang tumulong at maagapan ang oil spill batay sa contingency plans na napagkasunduan.
Nagpahayag na rin ang mga lokal na pamahalaan ng Batangas City, San Juan, at Lobo, sa pagtulong sa pamamahalaang panlalawigan sa pagtugon sa posibleng epekto ng oil spill.
Tutulong naman ang Batangas State University at University of Batangas sa paggawa ng artificial oil spill barriers at pag-ambag sa mga materyales sa paggawa ng mga ito at maipagkaloob sa mga baybaying komunidad katulong ang PCG na siyang magtuturo sa mga guro at mag-aaral ng tamang pagagawa ng mga nasabing kagamitan. (Bhaby P. De Castro, PIA Batangas)