
CALAMBA CITY — Aabot na sa 18,590 students-in-crisis sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon ang nakatanggap ng educational assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa DSWD Region 4A, nitong Sabado, Setyembre 3, nasa 8,025 ang kabuuang bilang ng mga estudyante na tumanggap ng tulong pinansiyal sa 25 payout sites sa rehiyon.
Ito na ang ikatlong Sabado nang pamamahagi ng nasabing tulong kung saan mahigit P14.58 milyong ang halaga na naipagkaloob ng DSWD 4A. Sa kabuuan, aabot na sa mahigit P37 milyon ang naipamahagi sa mga students-in-crisis sa Calabarzon.
Ibinahagi rin ng DSWD 4A na naging maayos ang pamamahagi ng educational assistance bunga na rin ng pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan na nagbigay ng pasilidad upang magsilbing assessment at payout sites.
No walk-in policy
Mahigpit naman na ipinatupad ng ahensiya ang ‘no walk-in policy’ at tanging ang mga nakatanggap lang ng confirmation text message ang pinapasok sa kanilang mga assessment sites.
Sa pabatid ng DSWD 4A, ang mga hindi pa nakakatanggap ng text message ay pinapakiusapang huwag magtungo sa mga assessment sites at hintayin ang text message mula sa kanilang tanggapan para sa schedule.
“Dahil nag-iiba-iba ang assessment / payout sites at target cities / municipalities kada Sabado, ang DSWD Field Office IV-A ay magpapadala ng text message isa o dalawang araw bago ang schedule ng payout (tuwing Huwebes at Biyernes),” pahayag ng DSWD 4A.
Pinaalalahanan din nito ang mga hindi pa nakakatanggap ng mensahe na huwag nang umulit ng online registration.
Para sa mga residente ng Calabarzon, narito ang proseso sa pagkuha ng educational assistance. — PIAGOVPH4A