
CALAMBA CITY, Laguna — Aabot na sa 9,188 students-in-crisis mula sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon ang nabigyan ng educational assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4A sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Sa ikalawang araw ng pamamahagi ng educational assistance nitong Sabado, Agosto 27, may 4,169 estudyante ang nakatanggap ng tulong sa 25 assessment at payout sites na binuksan sa rehiyon.
Kaya naman aabot na sa P22.48-milyon ang kabuuang halaga na naipamahagi ng DSWD 4A kung saan bawat estudyante ay nakatanggap ng P1,000 hanggang P4,000 na tulong pinansiyal depende sa grade level nito.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang DSWD 4A sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapahiram ng mga pasilidad para magamit bilang payout sites.
“The DSWD Field Office is grateful to the overwhelming support of the local government units in ensuring a peaceful and orderly assessment and payout as well as in ensuring that this service is brought closer to the benficiaries,” pahayag ng tanggapan.
Nagpasalamat din ang DSWD 4A sa kapulisan at Local Disaster Response and Management Offices sa pagtitiyak ng seguridad at kaayusan sa mga payout venues.
Sa ikalawang araw ng pamamahagi ng educational assistance ay mahigpit na ipinagbawal ng DSWD 4A ang pagtanggap ng mga walk-in sa mga payout sites. Tanging mga nakatanggap lamang ng confirmation text message ang pinroseso ng ahensiya alinsunod na rin sa direktiba ni DSWD Secretary Erwin Tulfo.
Sinabi naman ng tanggapan ng DSWD na mababago pa ang mga payout sites upang mas mailapit pa sa mga benepisyaryo ang tulong para hindi na nila kailangang bumiyahe pa sa malalayong payout sites.
Sa panayam ng PIA CALABARZON kay Joseph Arceo, regional information officer ng DSWD 4A na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan para madala ang pamamahagi ng tulong sa kanilang mga bayan.
Patuloy naman ang paalala ng DSWD 4A sa mga nagpa-rehistro para sa educational assistance na hintayin ang text message mula para sa schedle sa mga susunod na Sabado. — FSC, PIA 4A