Tuesday, February 7, 2023

Iba’t ibang tulong, ipinamahagi sa ISARA convergence caravan sa Laguna

Pinangunahan ni Secretary Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI), kasama ang mga opisyal at kinatawan ng iba pang ahensiya ang pamamahagi ng tulong nitong Biyernes, Abril 1 sa Santa Rosa City Sports Complex (MB Lito, PIA4A)

SANTA ROSA CITY, Laguna (PIA) — Mahigit 150 benepisyaryo mula sa Cavite, Laguna, Batangas, at Quezon ang tumanggap ng tulong at mga proyekto mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno bilang bahagi ng ‘Integrated Sustainable Assistance Recovery and Advancement (ISARA) Program Convergence’ na inisyatibo ng pamahalaan.

Pinangunahan ni Secretary Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI), kasama ang mga opisyal at kinatawan ng iba pang ahensiya ang pamamahagi ng tulong nitong Biyernes, Abril 1 sa Santa Rosa City Sports Complex.

Layon ng ISARA convergence na ipabatid sa publiko ang mga napagtagumpayan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa loob ng anim na taon nitong panunungkulan.

Ayon kay Regional Director Jann Roby Orteo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na siya ring itinalagang lead convenor ng programa, isinisulong din ng ISARA convergence ang pagpapatuloy ng mga programa at proyekto ng pamahalaan, sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte.

Ilan sa mga benepisyong ipinamahagi sa ISARA convergence ang livelihood grants mula sa DTI, fuel subsidy mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga transport groups, house and lot mula sa National Housing Authority para sa mga naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad, at tulong-pinansiyal sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Namahagi rin ng mga agricultural inputs ang Department of Agriculture (DA) IV-A para sa mga benepisyaryong magsasaka.

Kabilang din sa mga ahensiyang naghatid ng kani-kanilang serbisyo ang mga regional line agencies ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Education (DepEd), Department of Communications and Information Technology (DICT), Department of Health (DOH), National Irrigation Administration (NIA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Philippine Coconut Authority (PCA), at Cooperative Development Authority (CDA).

Sa kanyang mensahe, ipinagmalaki naman ni Secretary Lopez ang iba’t iang economic legacy ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Aniya, mas lumawak pa ang nabibigay na suporta ng DTI sa mga micro, small, and medium enterprises dahil sa mas pinalaking pondo ng ahensiya.

Ilan pa aniya sa mga legasiya ng administrasyon ay ang pagpapababa ng income tax rates para sa mga MSMEs at korporasyon, pagpirma sa Revised Public Service Act, mas malaking foreign direct investments, pagpapadami ng trabaho, at pagtaas ng export levels.

Dagdag pa ni Lopez, inspirasyong maituturing ang liderato ni Pangulong Dutertesa uri ng serbisyong inihahatid ng kanyang gabinet para sa publiko. Kabilang na aniya dito ang pagiging simple ng mga Kalihim at ang agarang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan nang sa gayon ay mapakinabangan ito ng publiko.

Umaasa din ang Kalihim na pagtitibayin pa ng mga ahensiya ng pamahalaan ang kanilang mga mandato upang tuloy-tuloy ang pagbangon ng bansa at matulungan ang mga naapektuhan ang kabuhayan. — FC, PB, PIA 4A

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,932FollowersFollow

AROUND CALABARZON