Thursday, December 8, 2022

Pagbubukas ng PRC Service Center sa Santa Cruz, isinulong ng Sangguniang Panlalawigan

CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna nitong Agosto 23 ang dalawang panukalang layong tulungan ang mga propesyunal na Lagunense.

Sa Resolution No. 778, s. 2022, isinusulong ng Sangguniang Panlalawigan ang pagbubukas ng Professional Regulation Commission (PRC) service center sa bayan ng Sta. Cruz.

Sa kasalukuyan, iisa lamang ang PRC Service Center sa Laguna na matatagpuan sa Santa Rosa City. Partikular na nagbibigay serbisyo ang service center sa mga residente ng una at ikalawang distrito ng lalawigan. Sa inihaing resolusyon, hindi na kailangan pang lumayo ang mga taga-ikatlo at ikaapat na distrito upang mabigyang serbisyo ng PRC.

Ipinasa rin ng mga bokal ang Resolution No. 779, s. 2022 na humihimok kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa tulong ng PRC, na palawigin sa limang taon ang bisa ng professional licenses mula sa kasalukuyang tatlong taon.

Naniniwala si Vice Governor Karen Agapay, na may akda ng dalawang ordinansa, na malaki ang maitutulong nito upang maitaas pa ang kalidad ng serbisyo ng mga propesyunal at nang mas mailapit ang serbisyo ng PRC sa 15 bayan mula ikaapat na distrito, 7 bayan at syudad sa ikatlong distrito at maging sa mga kalapit-bayan sa lalawigan ng Rizal.

Sa panayam ng Balitang Laguna Ngayon, sinabi ni Agapay, “Alam nyo, ito lang po yung ahensya na halos lahat po ng professionals ay pumupunta kasi yearly nagre-renew ng kanilang lisensya. Napaka-halaga po nito sa kanila. Bilang isang pagpapahalaga sa kanilang ginagawa sa pagsunod o kung wala namang malpractice o kung di naman po nasangkot sa kung anumang anomalya bakit di po natin i-extend din ang license from 3 years into 5 years.”

“At the same time, mai-inspire din at mae-encourage po ang ating professionals na umiwas sa malpractice para mas mabigyan ng ganitong mas mahabang effectivity ng kanilang license.”, dagdag ng bise gobernador.

Matapos maaprubahan, ipapadala ng sangguniang panlalawigan sa Office of the President at sa Main Office ng Professional Regulation Commission ang dalawang panukala. — Christopher Hedreyda, PIA4A

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,931FollowersFollow

AROUND CALABARZON