Kasama sa Pagtanda

Likas na sa kultura ng mga Pilipino ang pagiging mapagkalinga sa mga nakatatanda sapagkat dito ay naipapadama natin ang pagbibigay respeto at pagmamahal para sa kanila.

Sa kabila nito, nananatiling pribilehiyo sa ilang bahagi ng bansa ang maayos na pangangalaga para sa mga mamamayan na nasa dapithapon na ng kanilang buhay. Ayon sa World Health Organization (WHO), pinalala ng pandemyang dulot ng Covid-19 ang kalagayan ng mga senior citizen.

Bukod sa kahirapan, mayroon ring ilang senior citizen ang nag-iisa sa buhay o kaya naman ay napabayaan na ng kanilang mga kamag-anak.

Sa bayan ng Luisiana sa Laguna, bukod sa kahirapan, pangunahing suliranin din ang pagkalinga sa tumatanda nitong populasyon. Batay sa 2020 census ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong 20, 859 populasyon ang bayan ng Luisiana. Mula sa bilang na ito ay tinatayang nasa 3, 249 ang mga senior citizen.

Bagama’t may natatanggap na tulong sa pamahalaan, alinsunod na rin sa itinatakda ng batas, hindi nito mapantayan ang kalingang kinakailangan ng mga matatanda lalo na ng mga nag-iisa na lamang sa buhay.

Imelda Estanda, 52

Mahirap ang pagtanda, lalo na kung walang kamag-anak o mahal sa buhay na aagapay sa nanghihinang katawan at lumalabong isipan.

Para kay Lola Imelda Estanda, doble ang hirap na kanyang dinanas dahil bukod sa panghihina ng katawan ay pinahirap rin ng kanyang kapansanan sa pagsasalita ang pang araw-araw na buhay.

“Talagang ‘yung unang panahon namin, ako po ay malakas pa. Hindi pa po sumasakit ang paa ko. Malakas pa po ang lakad, at nakakakuha po kami ng mag-asawa ng bote [at] karton.”

Sa edad na 52, namumuhay si Lola Imelda bilang isang mangangalakal. Bahagi ng kanyang pang araw-araw na buhay ang pag-iipon ng bote, lata, at karton upang maibenta nang sa gayon ay magkaroon silang mag-asawa ng makakain.

Nakasalalay sa mga makokolekta niyang mga kalakal ang kanyang pagkain sa araw-araw dahil walang mga magulang o kamag-anak na tutulong sa kaniya.

Bahagi ng kanyang pangaraw-araw na gawain ang paglagi sa parke kasama ang kanyang asawang si Rodolfo na isa namang street sweeper.

Walang anak ang mag-asawa kaya naman tanging sa isa’t isa nakasalay ang kanilang lakas para sa araw-araw.

Dahil hirap siyang makalad dahil sa sugat sa kanyang paa na hindi nahihilom, tila nakatali na sa kanyang wheelchair si Nanay Imelda. Bahagi na ng kanyang sistema ang pagpunta sa health center kung saan susuriin at lilinisin ng ng mga healthworker ang kanyang mga sugat.

Marcialita dela Torre, 82

Regular ring nakakasama ng mga social worker sa bayan ng Luisiana si Nanay Marcialita dela Torre. Sa edad na 82, unti-unti nang nanghihina ang kanyang pangangatawan.

Sa kabila nito, siya pa rin ang nag-aaruga sa kanyang anak at kapatid, gayundin sa paglilinis ng kanilang bahay. Bagamat mayroon ring siyang iniindang sakit, si Marcialita pa rin ang nagbabantay sa mga kapamilyang may sakit.

“Syempre talagang ganoon at ako ang nakakatanda. May katulong naman ako at may anak ako na naroon sa aking likod, saka ‘yung dalawa kong binata” 

Sa kabila nito, nagpapasalamat siya dahil nakaagapay ang kanyang mga anak para naman sa kanyang sariling pangangailangan.

Gamit ang natitirang lakas ng kanyang katawan, sinisikap rin ni Marcialita na makapagtrabaho bilang taga-lala ng handicrafts bilang pantustos sa kanilang pangaraw-araw na pangangailangan.

‘Kalinga sa Matanda’

Sa Laguna, tinatayang  hanggang 73 taong gulang lamang ang life expectancy ng mga kababaihan, habang 68 taong gulang naman para sa kalalakihan, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Bukod sa kahirapan at tumatandang populasyon, pangunahing suliranin ang pagkalinga sa mga pangangailangan ng mga matatanda lalo na ng mga walang kaagapay sa buhay.

Dahil dito, inilunsad ni Mayor Jompaher Alvarez katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang programang KA-SA-MA o Kalinga Sa Matanda upang mapangalagaan ang mga senior citizen, lalo na ang mga bedridden at mayroong iniindang sakit.

Bagama’t nasa unang termino pa lamang ng kanyang paninilbihan bilang alkalde, isa sa mga prayoridad ni Mayor Alvarez na magkaroon ng matatag na programa ang lokal na pamahalaan para sa mga senior citizen.

Ayon kay Alvarez, isa sa mga problema ng kanilang bayan ay ang kakulangan ng mga programang mangangalaga sa kapakanan ng matatanda. Kaya naman naging tugon ng lokal na pamahalaan ang KA-SA-MA na layuning tulungan ang mga senior citizen sa kanilang pang araw-araw na buhay.

“At least, sa kalagayan nila na hirap na sila sa pisikal na katayuan ng kanilang kabuhayan, maiparamdam ko man lang sa mga senior citizen ng Luisiana ang kanilang kahalagahan. Maramdaman ng pamilya nila na ‘yung natitirang buhay nila at least minahal sila ng pamahalaang bayan natin,” ani Alvarez.

Dalangin ng alkalde na nawa’y mapalawak pa ng kasalukuyang administrasyon sa pangkalahatan ang pagbibigay ng serbisyo sa mga matatandang lubos na nangangailangan.

Malasakit sa Matatanda

Sa kasalukuyan, mayroong walong social worker ang bahagi ng programang KA-SA-MA na bumisita sa mga senior citizen upang maghatid ng pagkalinga at serbisyong medikal.

Isa sa kanila ni Arlyn Villamin na isang registered nurse at tumatayo rin bilang lider ng nasabing programa. Bago ang pandemya, nagtrabaho siya bilang caregiver sa Israel sa loob ng 10 taon.

Ayon kay nurse Arlyn, napagkaitan siya ng pagkakataong maalagaan ang kanyang mga magulang matapos niyang maulila. Dala ang kanyang karanasan, sumali sa programa si nurse Arlyn bilang volunteer caregiver, at kalaunan ay naging team leader na kumakalinga sa mga benepisyaryong senior citizen.

Sa kanyang pag-iikot, nakita ni nurse Arlyn ang kalunos-lunos na lagay ng mga kababayan niyang senior citizen na tila pinabayaan na ng panahon.

Isa sa mga hindi makakalimutang pagkakataon ni Arlyn ay ang isang senior citizen na kanilang pagsilbihan. Aniya, hindi pa rin nawawala sa kanyang sistema ang lagay ng nasabing pasyente ng makita nila ito sa unang pagkakataon.mMabaho at nanghihina sa gutom si Tatay Crisencio nang una siyang makita ng mga volunteers ng KA-SA-MA.

Ayon sa mga nakakakilala sa kanya, dating nagtatrabaho sa Maynila si Crisensio. Sa kanyang pagreretiro, napilitan siyang tumanda mag-isa matapos itong iwan ng kanyang asawa at anak.

Bilang malapit sa matatanda, hindi maipaliwanag ni Arlyn ang kanyang nararamdaman bilang tagapag-alaga sa mga matatandang may hindi magandang karanasan mula mismo sa kanilang mga kapamilya.
“Masaya po na malungkot kasi yung iba po kasi katulad nila lolo, inabando po sila. Nakakaawa po talaga sila. Parang naisip ko, pano kaya pag pagtanda namin ganito. Nakakalungkot po talaga kasi inabando po sila, wala po talagang naga-aruga.”
Araw-araw nagbabahay-bahay ang mga caregivers para bisitahin ang mga matatanda, lalo’t higit ang mga lubos na nangangailangan ng pagkalinga. Hindi bakas sa mukha ng mga tinaguriang “Kasama” ang pagod, ngunit dama nila ang pinagdaraanang hirap at lungkot ng ilan sa kanilang mga inaalagaan.

Kasama sa pagtanda

Kung tutuusin, simple lamang ang adhikain ng programang KA-SA-MA: ang samahan ang mga senior citizen at tugunan ang kanilang pangaraw-araw nilang pangangailangan tulad ng paglilinis ng kanilang tahanan, pag-inom ng gamot, at pagpapakonsulta sa doktor.

Subalit para sa mga tulad nina Lola Imelda, Nanay Maricialita, at Tatay Crisensio, hindi matatawaran ang kalingang ibinibigay sa kanila ng lokal na pamahalaan, lalo na ng mga tulad ni Nurse Arlyn.

Sa maikling panahon, nagsilbi nang ikalawang pamilya ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na nagtitiyagang alagaan sila.

Para sa mga tulad ni Lola Imelda, tila musika sa kanilang pandinig ang mga tagubilin ng mga social worker ng KA-SA-MA. Kahit ilang oras lamang, tila mayroon silang pamilyang nag-aaruga at nagpapaalala ng maliliit na bagay tulad ng pag-inom ng gamot o paglilinis ng kanilang katawan.

“Mabait po sila sa amin. [Kapag sinasabi nilang] ‘Nanay Imelda, halika lilinisin natin yang sugat mo doon sa center’. ‘Nanay Imelda, halika maligo ka na. Nanay Imelda halika kumain ka na, uminom ka na ng gamot,”

Sa tulong ng programang KA-SA-MA, nararamdaman nila ang kalinga at pagmamahal mula sa mga kababayan nilang sinasamahan sila sa nalalabing oras nila sa mundo.

Sa bawat pagod na nararanasan ng mga caregiver sa bayan ng Luisiana ay natutumbasan ng kaginhawahan para sa mga matatanda. Bawat luhang dumadaloy sa kanilang mga mata mula sa iba’t ibang kwento ng buhay ay tila napapalitan naman ng pagmamahal. At sa bawat pawis na tumatagaktak ay sinusuklian ng pasasalamat sa karanasang hindi na malilimutan at matutumbasan pa — bilang KASAMA ng mga matatanda.

Sa mga nais magpaabot ng tulong o donasyon, maaaring makipag-ugnayan kay Jennifer Abenido (Head, Luisiana Municipal Social Welfare and Development Office) sa numerong 0917-841-1262 o kay Nurse Arlyn Villamin sa numerong 0921-758-5219.

DIGITAL SPECIAL REPORT PRODUCED BY
Christopher Hedreyda | Patricia Bermudez | Fredmoore Cavan |
Dwight Michael Sunico | Maine Odong | Mark Bryan Lito |
Shimie Taclino