Thursday, December 8, 2022

Distribusyon ng DSWD educational assistance sa Calabarzon, naging mapayapa — OCD 4A

CALAMBA CITY, Laguna — Payapa at ligtas sa kabuuan ang unang araw ng pamamahagi ng educational assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4A sa iba’t ibang payout sites sa rehiyon nitong Sabado, Agosto 20, ayon sa Office of Civil Defense Calabarzon.

Sa ulat ng OCD 4A, sinabi ng ahensiya na bunga ito ng pakikipag-ugnayan ng DSWD 4A sa kanilang tanggapan gayundin ng pakikiisa ng mga provincial, city, at municipal disaster risk reduction and management councils (DRRMC) sa anim na lugar na nagsilbing payout sites para sa pamamahagi ng educational assistance.

Isang araw bago ang distribusyon ay nagpalabas ng kauutusan si OCD 4A Regional Director at Regional DRRMC Chairperson Maria Theresa r. Escolano na na nag-aatas sa mga DRRMC partikular sa mga lugar na itinalagang payout sites na ipaabot ang nararapat na suporta sa  DSWD.

Inatasan din nito ang mga local DRRMCs na sundin ang mga tagubilin at ang pagsasakatuparan ng iba’t ibang mekanismo ng DRRM upang masiguro ang ligtas at maayos ang pamamahagi ng tulong pinansiyal.

Kabilang sa mga lugar na nagsilbing payout sites ang Bacoor City sa Cavite; Sta. Cruz sa Laguna; Batangas City at Lian sa Batangas; Antipolo City sa Rizal at Lucena City sa Quezon.

Kabilang sa mga tiniyak ng OCD 4A ang pagkakaroon ng Incident Management Teams sa mga nasabing lugar, pag-activate ng response cluster particular na ang law and order, health at logistics, na handang tumugon at magbigay ng kaukulang resources kung kinakailangan gayundin ang  pagsisiguro ng organisado at efficient na pamamahala sa kabuuan ng aktibidad dinagsa ng libo-libong indibidwal.

Batay sa ulat ng DSWD 4A, aabot sa 5,027 estudyante ang nabigyan ng educational assistance kung saan aabot sa Php 14,226,000.00 ang kabuuang halaga na naipamahagi nito sa unang Sabado ng programa. Magpapatuloy ang pamamahagi ng tulong sa susunod na limang Sabado hanggang Setyembre 24, 2022.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Escolano sa mga DRRM councils gayundin sa mga alkalde sa pagganap sa atas ng RDRRMC gayundin sa mga katuwang na media sa rehiyon sa pagpapakalat ng mga tama at nararapat na impormasyon sa publiko hinggil sa maayos at sistematikong payout ng DSWD cash assistance sa rehiyon.  — OCD CALABARZON

PIAGOVPH4A
PIAGOVPH4Ahttp://pia.calabarzon.news
Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,931FollowersFollow

AROUND CALABARZON