Thursday, December 8, 2022

Higit 3,000 student-in-crisis sa Calabarzon, nakatanggap ng educational assistance mula sa DSWD 4A

CALAMBA CITY, Laguna — Aabot sa 3,620 students-in-crisis mula sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon ang nakatanggap ng educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4A, sa pagsisimula ng pamamahagi ng nasabing tulong nitong Sabado, Agosto 20.

Ayon sa DSWD 4A, may kabuuang P10.9 milyon ang naipamahagi nito kung saan bawat estudyante ay nakatanggap ng P1,000 hanggang P4,000 educational cash assistance depende sa grade level nito.

Ang tulong-pinansiyal ay ipinamahagi sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng ahensiya upang matulungan ang mga estudyante sa pagbili ng mga kagamitang kakailanganin sa muling pagbabalik eskwela ngayong taon.

7 payout sites binuksan
Upang mabilis na ma-proseso ang educational assistance, pitong payout sites ang binuksan ng DSWD 4A. Simula nang buksan sa publiko ang online registration nitong Biyernes ay libu-libong aplikasyon anila ang kanilang natanggap kung kaya’t minabuti nilang magbukas ng pitong payout sites upang maserbisyuhan ang mga nais humingi ng tulong.

Bukod sa kanilang pang-rehiyong tanggapan sa Alabang, Muntinlupa City na tumanggap ng mga indibidwal mula sa San Pedro City at ibang bahagi ng rehiyon ay nagbukas din ito ng payout sites sa mga sumusunod na lugar:

  • Bacoor City, Cavite para sa mga online registrants sa naturang lungsod, Kawit, Noveleta at Rosario.
  •  Santa Cruz, Laguna para sa mga aplikante na mula sa bayan ng Santa Cruz, Pagsanjan, Lumban, at Pila Laguna;
  • Antipolo City para sa mga nasa Tanay, Teresa, Pililla, at Jalajala
  • Lian, Batangas para sa mga nasa bayan ng Lian at Nasugbu
  • Batangas City, para sa mga estudyante sa naturang lungsod, San Jose, at Lobo
  • Lucena City para sa mga online registrants mula sa naturang lungsod

Sa pahayag ng DSWD 4A, inabisuhan nito ang mga online registrants at walk-in applicants na hindi nakakuha ng educational cash assistance ngayong araw na makakakuha sila ng text message para sa panibagong schedule at lokasyon ng kanilang magiging assessment.

Magpapatuloy ang DSWD 4A sa pag-proseso ng educational assistance sa susunod na limang Sabado hanggang Setyembre 24 upang mas marami pang estudyante ang mabigyan ng tulong.

Ngayong araw ay inihayag din ni DSWD Secretary na gagawin na sa mga lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng educational assistance simula sa susunod na Sabado, Agosto 27 matapos dagsain ang kanilang tanggapan sa Quezon City. — FSC, PIA4A

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,931FollowersFollow

AROUND CALABARZON