Thursday, December 8, 2022

Sangguniang Kabataan sa Taytay, humakot ng parangal sa 3rd Philippine SK Awards

TAYTAY, Rizal (PIA) — Buong pagmamalaking ibinahagi ng mga miyembro ng Sangguniang Kabataan ng San Isidro sa bayan ng Taytay na humakot sila ng apat na parangal sa nakalipas na 3rd Philippine Sangguniang Kabataan Awards.

Sa pamamagitan ng kanilang pagpupursigi at pagbibigay ng tapat na serbisyo publiko para sa kapwa kabataan ay nakamit nila ang Outstanding SK Council Award sa buong bansa.

Kinilala rin ang apat sa kanilang mga proyekto tulad ng ‘EDUK-AKSYON: Scholars as Agent of Change’ na tumanggap ng Outstanding SK Project dahil sa ibinigay nitong suporta sa pag-aaral ng mga kabataan sa gitna ng pandemya gayundin ang ‘Kalusugang: #ForEveryJuan’ na tumanggap naman ng Special Citation Award for Health.

Kasama rin dito ang ‘Binibining San Isidro Charities’ na mayroong Special Citation Award for Social Inclusion and Equity Project at proyektong ‘Learn and Earn’ para naman sa Economic Empowerment.

Dahil sa mga natatanging pagkilalang nakamit, nagpaabot ng pasasalamat ang SK San Isidro sa mga naniniwala at sumusuporta sa kanilang kakayahan at mga proyekto.

“Asahan niyo po na aming ipagpapatuloy ang aming mabuti at malinis na pamamahala, tapat na serbisyo at makabuluhang mga programa,” mensahe ng SK San Isidro.

Pangunahing layunin ng mahalagang aktibidad na bigyang pagkilala ang mga kontribusyon ng bawat Sangguniang Kabataan (SK) Councils upang sama-samang makamit ang mas maayos at progresibong bansa sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga proyektong magbibigay benepisyo sa bawat kabataan sa iba’t ibang larangan tulad ng edukasyon, kalusugan, peace-building, economic empowerment, social inclusion and equity at iba pa.

Ito ay pinangangasiwaan ng Positive Youth Development Network, GoodGov PH at Galing Pook. Ngayon taon ay ginanap ang aktibidad sa Boracay Newcoast Convention Center noong ika-11 hanggang 13 ng Agosto.  — MO, PIA4A

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,931FollowersFollow

AROUND CALABARZON