LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Kasabay ng pagdiriwang ng National Fire Prevention Month ay pinaaalalahanan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang publiko na palagiang gawin ang ibayong pag-iingat at maging mapagmatyag upang maiwasan ang sunog.
Ito ang panawagan ni Fire Senior Inspector Charlie Beltran sa programang “Mamamayan at Kultura with PIA” sa Radyo Pilipinas Lucena kamakailan kung saan ipinaliwanag din ng opisyal ang mga sanhi at paraan upang makaiwas sa sunog.
Ayon kay Beltran, pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng sunog sa loob ng bahay ay electrical malfunction, sumasabog na LPG tank, naiwang electrical appliances at gadgets na nakasaksak, gayundin ang paglalaro ng posporo ng mga bata.
Hinimok din ni Beltran ang publiko na itawag kaagad sa BFP kung may hinihinalang pagsisimulan ng sunog sa kanilang lugar habang ginagawan ng paraan na mapigilan ito.
“Dapat na alerto at alam ng bawat miyembro ng pamilya ang gampanin nila sa pag-iwas sa sunog,” sabi pa ni Beltran
Samantala, may mga inihanda namang aktibidad ang BFP sa bayan ng Pagbilao sa obserbasyon sa buwan ng pag-iingat sa sunog ngayong Marso.
Ayon kay Atty. Randy Baconawa, hepe ng BFP Pagbilao, kabilang sa mga aktibidad na inihanda ng BFP-Pagbilao ay ang “Barangay Fire Olympics” na gaganapin sa Marso 29 sa Pagbilao Central Elementary School Playground.
Bukod dito, idaraos din sa Marso 24 ang Junior Fire Marshall na dadaluhan ng mga estudyante ng senior high schools ng Pagbilao.
“Nagdaos din po tayo ng motorcade ang BFP-Pagbilao na sinimulan sa bayan ng Pagbilao hanggang Candelaria gayundin ang art at drawing contest na dinaluhan ng mga batang mag-aaral sa elementary na naglalayong mapataas ang kaalaman sa pag-iwas sa sunog ng ating mga kababayan dito sa Pagbilao”, sabi pa ni Baconawa
Ngayong buwan ay ginugunita ang National Fire Prevention Month na may temang “Sa Pag-iwas ng Sunog, Hindi ka Nag-iisa.” (RMO)