Tuesday, February 7, 2023

DHSUD, Atimonan LGU lumagda ng MOA para sa mga bagong proyekto

Nilagdaan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Atimonan LGU ang memorandum of agreement para sa isang land development program sa planong resettlement site. (L-R; Brgy. Sokol Chairman John Juanito Inoy, DHSUD ASec. Daryl Bryan Villanueva, DHSUD Sec. Eduardo del Rosario, Atimonan Mayor Rustico Mendoza, Atimonan Vice Mayor Zenaida Veranga/Larawan mula sa DHSUD)

CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Higit P75-milyon halaga ng tulong mula sa Building Adequate Livable Affordable and Inclusive Filipino Community o BALAI Filipino Community Program ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang inihandog sa bayan ng Atimonan, Quezon matapos itong pumirma ng memorandum of agreement (MOA) para sa pagpapatayo ng isang resettlement site at bagong evacuation center.

Dumalo sa MOA signing at groundbreaking ceremony nitong Hunyo 14 si DHSUD Secretary Eduardo Del Rosario, DHSUD 4-A Regional Director Atty. Jann Roby Otero, Atimonan Mayor Rustico Mendoza, at iba pang mga opisyal ng DHSUD at lokal na pamahalaan.

Ang resettlement site ay isang planong housing project na mapapakinabangan ng mga kawani ng pamahalaan, kabilang na ang mga guro, at permanent shelter para sa mga informal settler families at mga nakatira sa danger zones.

Plano ring ipatayo sa Brgy. Sokol ang isang evacuation center na may kabuuang sukat na 1,445 sq.m na maaaring tumanggap ng nasa 106 pamilya.

Kumpleto sa pasilidad ang gusali kagaya ng kitchen, mess hall, reception area, shower stall, toilet, laundry area, clinic, prayer room, breastfeeding room, playarea, storage, at administrative office.

Kahit malapit nang matapos ang kanyang termino, siniguro ni Sec. Del Rosario ang tuloy-tuloy na pagtulong ng DHSUD sa bayan ng Atimonan para maisakatuparan ang mga proyektong plano ng LGU.

“Kahit ako po ay about 16 days na lang dito sa aking pagtatrabaho sa Department of Human Settlements [and Urban Development], yan ang bilin ko kay Atty. Otero na tulungan ang municipality of Atimonan sa kanilang future projects.”

Sinabi rin ng kalihim na personal na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang disenyo ng evacuation center na malaking tulong sa panahon ng kalamidad.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Mendoza kay Sec. Del Rosario dahil mabilis na naaprubahan ang hiling niyang proyekto para sa bayan.

“Magkakaroon po ng katuparan ang akin pong pangarap na sana bago po ako matapos sa aking paglilingkod bilang punong bayan, maumpisahan po natin ang ating housing program di lamang po sa ating mga kawani, kundi para po sa ating reclamation ng mga informal settlers.”, saad ni Mendoza.

Ang Atimonan ang unang LGU na sa lalawigan na nakatanggap ng BALAI assistance mula sa DHSUD. Una nang tumanggap ng tulong mula sa kagawaran ang ilang munisipalidad sa rehiyon kagaya ng Taal at Balete, Batangas. — Christopher Hedreyda, PIA4A (may ulat mula sa DHSUD at Atimonan PRIO)

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,932FollowersFollow

AROUND CALABARZON