Puspusan ang isinasagawang pagmo-monitor ng San Pablo City Health Office (CHO) upang bantayan ang mga hinihinalang kaso ng hand, foot, and mouth disease (HFMD) na naitala sa lungsod.
Base sa datos na inilabas ng departamento nitong Enero 25, 2023, umabot na sa 39 ang suspected cases ng sakit, habang dalawa (2) ang probable cases at isa (1) naman ang confirmed suspect.
Nananawagan si Dra. Mercydina Caponpon, Assistant City Health Officer ng San Pablo City Health Office sa publiko na palagiang maghugas ng kamay, iwasang gumamit ng kutsara, tinidor, straw, tasa o baso ng ibang tao, at palagiang sundin ang mga minimum public health standards upang makaiwas sa sakit.
Paliwanag ng San Pablo CHO, ang HFMD ay isang viral infection sanhi ng Coxsackievirus kung saan mga batang 10 taong gulang pababa ang kadalasang dinadapuan. Lubhang nakakahawa ang sakit na naipapasa sa pamamagitan ng laway, sipon, ubo, skin contact at paggamit ng food utensils.
Kadalasang may tatlo hanggang anim na araw na ‘incubation period’ ang HFMD habang isa o dalawang araw naman maaaring makaranas ng mataas na lagnat, sore throat, sugat sa loob at labas ng bibig, kawalan ng gana sa pagkain, o pagkakaroon ng rashes sa kamay, paa at puwet ang pasyente.
Sa kasalukuyan, wala pang gamot sa HFMD at kusa lamang itong gumagaling matapos ang ilang araw.
Inabisuhan din ni Dra. Caponpon ang mga magulang na magsagawa ng isolation measures kung nagkaroon ng person to person contact ang kanilang anak sa isang taong may sintomas ng sakit.
“Kailangan ang bata ay huwag munang pumasok sa paaralan mula 7-10 days hanggang fully healed na ang mga lesions o blisters. Kailangang ipa-check up sa doctor naman ang mga sanggol, 5 months pababa upang maiwasan ang complications tulad ng dehydration,” payo ng San Pablo CHO.
Sa oras na makaramdam ng sintomas ng sakit, mahalagang ipagbigay-alam kaagad ito sa CHO para sa investigasyon at contact tracing.
Tuloy-tuloy naman ang information dissemination campaign ng City Health Office at Health Education and Promotions Unit ng lungsod upang maipaliwanag ang mga kaukulang impormasyon para sa prevention, control at detection measures laban sa sakit.