
Kasabay ng selebrasyon ng Buwan ng Kasaysayan, inorganisa ng Museo ni Jose Rizal, Calamba at ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) ang isang webinar na pinamagatang “Mga Katipon ni Rizal: Kasaysayan ng Knights of Rizal”.
Tinalakay ni Jonathan Balsamo, Founding Member ng Sucesos Chapter — Order of the Knights of Rizal ang mga mga tao sa likod ng kasaysayan ng pag-iral at paglawak ng Knights of Rizal at ang layunin ng samahan sa kasalukuyan.
Kasaysayan ng samahan
Nagsimula ang Knights of Rizal o Orden de Caballeros de Rizal noong ika-30 ng Disyembre 1911, nang itinatag ito ni Colonel Antonio Torres, ang kauna-unahang Pilipinong naging pinuno ng Manila Police District.
Layon ni Torres na magtatag ng organisasyong magsisigurong nabibigyan ng halaga ang pagka-martir ni Dr. Jose Rizal sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga seremonya para sa alay ng bayani tuwing kaarawan nito kada ika-19 ng Hunyo, at sa anibersaryo ng kamatayan ni Rizal kada ika-30 ng Disyembre.
Matapos ang 40 taon, pinirmahan ni Pangulong Elpidio Quirino noong ika-14 ng Hunyo, 1951 ang Republic Act 646 na nagtatakda sa samahan bilang isang pampublikong korporasyon at pormal na kinikilala bilang Knights of Rizal.
Nagsisilbing monumentong alay kay Rizal ang pag-ratipika sa RA 646. Nagbibigay rekognisyon ang batas sa mga turo ng pambansang bayani na layong maisapuso ng mga susunod na henerasyon ang disiplina, mga turo, at pagtalima sa batas na ilan lamang sa mga katangiang ipinamalas ni Rizal. Paraan din ito ng pamahalaan noon upang ipalaganap ang pagmamahal para sa bayang pinaglaanan ni Rizal ng kanyang buhay.
Kwento ni Balsamo, marami sa mga Pilipino noon ang tapat pa rin sa Amerika matapos ang mga digmaan kaya’t naisipang isabatas ang RA 646 upang muling umalab ang nasyonalismo sa bansa.
“40 years of education under the Americans. It created a generation of Filipinos, na sabi nila, e pro-Americans. Ngayong malaya na tayo, pero ang sinasabing mindset, kaisipan, o kamalayan ay marami pa ring maka-Amerikano. ‘Yun ang gustong tugunan na dapat hindi na maka-Amerikano, makabayan na, o maka-Pilipinas na.”
Isa lamang ang mga akda ni Rizal na ginamit noon upang ipabatid sa mga kabataan at sa pagkakaroon ng kaisipang maka-Pilipino, ayon kay Balsamo.
Mula noon, patuloy pang lumago ang Knights of Rizal at nagluklok ng mga lider mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan.
Kwento ni Balsamo, karamihan sa mga nagdaang Supreme Commander o lider ng samahan ay pawang mga abogado at edukador dahil sa respetong ibinibigay ng mga miyembro nila sa parehong larangan upang mapayabong pa ang samahan.
“Education ang main work ng Knights of Rizal. And when we talk about education, it’s also consistent with Rizal. When we talk about Rizal and education, talagang ang action ni Rizal sa Dapitan, in his works, in his writings…it’s very consistent”, paniwala ni Balsamo.
Naniniwala ang historyador na susi sa pagiging matagumpay ng mga organisasyon ang miyembro, ngunit napaka-laki ng papel ng isang lider upang siguraduhing naaangkop pa rin ang mga proyekto at inisyatibo ng Knights sa nagbabagong-panahon.
Knights of Rizal sa kasalukuyan
Bilang isang organisasyong itinatag higit 100 taon nang nakakaraan, isa sa mga tinutugunang hamon ng Knights of Rizal ang pagbibigay-impluwensya sa mga kabataan. Solusyon aniya dito ang iba’t-ibang trainings na inoorganisa ng samahan para ipamulat ang importansya ng pagiging makabayan sa pamamagitan ng mga community-based programs.
“Ang main activity ng Knights ay training ng kabataan. So ginagawa yan ng Knights of Rizal dun sa annual na Youth Leadership Institute. Tapos ngayon, may binubuo yung Rizal Heritage Foundation na kung saan ang layunin ay magkaroon ng leadership program para i-replicate yung ginawa ni Rizal sa Dapitan.
Sa Sucesos Chapter ng Knights of Rizal kung saan isa sa mga orihinal na miyembro si Balsamo, binibigyan din ng kaukulang pansin ang pagbibigay ng karagdagang impormasyon sa buhay at mga turo ng bayani.
Mahalaga ayon kay Zarah Escueta, Senior Curator ng museo, ang kontribusyon ng Knights of Rizal, lalong-lalo na sa lungsod ng Calamba.
“Totoo pong ang Knights of Rizal ay mahalagang bahagi ng ating lipunan. Dahil dito sa aming museo sa Calamba, sila ang madalas naming ka-partner sa mga public programs. Lagi po silang naka-suporta sa Museo ni Jose Rizal Calamba at sa Calamba Cultural Heritage Society. Pinagpapasalamat po namin dito sa bayan ng Calamba ang existence ng organisasyong ito.”
Palagi din aniyang handang tumulong ang organisasyon para sa mga aspetong may kaugnayan kay Rizal, at para sa mga proyektong makakatulong sa bayan.
Payo ni Balsamo sa mga interesadong sumali sa Knights of Rizal na suriin ang mga lokal na chapter ng organisasyon sa mga lungsod at munisipalidad o sa mga grupo ng propesyunal.
“Hanapin ninyo kung mayroong chapter ng Knights of Rizal sa inyong bayan. so makikita ninyo sila pag pumunta kayo sa Rizal Monument kapag June 19 o December 30 na dapat nandun sila naga-alay ng bulaklak. You can talk to them… Nauuso na rin ngayon yung mga per group. Halimbawa kami young historians chapter. mayroong grupo ng young lawyers, mga young professionals. Kung nasaan po kayo, alamin ninyo kung sino ang miyembro ng Knights of Rizal sa inyong grupo and try to reach out to them.”
Sa kabila ng pagiging miyembro ng isang prestihiyosong organisasyon, hinimok ni Balsamo ang mga nais maging miyembro na patuloy na magpatupad ng mga proyektong hindi lamang para sa organisasyon kundi para sa ikabubuti ng pangkalahatan, na sumasalamin sa diwa at paniniwala ni Rizal. — Christopher Hedreyda, PIA4A