Sunday, April 2, 2023

Fiesta Bayeña: Makulay na selebrasyon ng turismo, sining, at kultura ng Bay, Laguna

BAY, Laguna (PIA) — Makulay at masaya ang naging panimula sa selebrasyon ng Fiesta Bayeña sa bayan ng Bay, Laguna nitong Agosto 24. Tampok sa pagdiriwang ang ipinagmamalaking mga halaman mula sa bayang tinaguriang ‘Garden Capital of Laguna’.

Sa kabila ng banta ng sama ng panahon, tagumpay na nilahukan ng mga mamamayan ng bayan ang piyestang dalawang taong itinigil dahil sa banta ng pandemya.

Sa panayam ng Philippine Infomation Agency CALABARZON kay Jayca Zyrah Padrid, Over-all Committee Chair ng Fiesta Bayeña at Municipal Administrator ng bayan ng Bay, naramdaman nila ang galak ng mga Bayeno sa muling pagbabalik ng selebrasyon na makikita sa pakikilahok ng mga mamamayan sa civic parade, mardi gras festival, trade fair exhibit, at iba’t-iba pang programa.

“Everyone was in high spirits. ‘Yung inaasahan nating pag-ulan ng malakas ay hindi nangyari dito sa bayan namin. We were all enjoying. Nakakatuwa kasi very festive. Ang daming sumama, yung mga kababayan namin sa mga bahay naglabasan sila, nakakatuwa kasi dalawang taon kaming hindi nakapag-celebrate nito kaya mafi-feel mo talaga ang excitement.”

Makulay na civic parade na nilahukan ng iba’t-ibang sektor ng lipunan sa bayan (Larawan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Bay)

Sinimulan ang Fiesta Bayeña noong 2010 bilang karangalan kay San Agustin at sa makulay na pamumuhay ng mga taga-Bay. Ngayon, bukod sa pista ng patron ay layon na ng iesta Bayeña ang ipadamang “inclusive” o bukas sa lahat ang bayan, sa pamamagitan ng pagdaraos ng ‘Pa-gay-lingan’ para sa mga miyembro ng gay community at ang Ginang Bayena na nilalahukan ng mga ina.

Ayon kay Padrid, patunay ito ng layunin ni Mayor Joe Padrid na isama ang lahat ng sektor at aspeto ng lipunan para sa unti-unting pagsulong ng bayan.

“Kailangan lahat ng sektor, lahat ng aspeto ng pagsulong ng bayan ay sabay-sabay na pinagta-trabahuhan. So bukod sa mga development na nangyayari dito sa aming bayan, sa mga projects na nangyayari ngayon, ay binibigyang halaga din ni Mayor ang sektor ng turismo, kultura, at arts dito sa aming bayan.”, saad ni Padrid.

Mga kalahok sa Pa-Gay-Lingan contest. (Larawan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Bay)
Bay bilang Garden Capital of Laguna

Bay bilang Garden Capital of Laguna

Isa sa inaabangan sa Fiesta Bayeña ang pormal na pagkilala sa bayan bilang ‘Garden Capital of Laguna’, at kung paano ito maipapakita sa bawat aspeto ng selebrasyon. Itinampok sa trade fair exhibits ng 15 barangay ang mga halamang makikita at itinanim sa bawat barangay.

Paliwanag ni Padrid, “Binigyang highlight at kulay yung pagkakakakilanlan namin bilang Garden Capital of Laguna. This year, sinimulan namin na kailangan ang disenyo, ang criteria for judging makikita yung vertical landscape, sasalamin yung kultura ng paghahalaman dito sa aming bayan. Masho-showcase yung mga iba’t-ibang halaman na meron kami dito sa bayan ng Bay.”

Binigyang kulay gamit ang mga halaman ang bawat trade fair exhibit na dinisenyuhan ng bawat barangay sa bayan. (Larawan mula kay Gov. Ramil Hernandez)

Bukod pa rito, ipinagmamalaki rin ni Padrid ang mga magagaling na maghahalaman at landscape artists sa bayan na lumahok sa landscaping competition na isa sa mga nagpamangha sa kanya.

Nakatatak na sa kasaysayan ng bayan ang mayamang kultura nito bilang sentro ng kultura, komersyo, at turismo noong panahon ng mga Kastila.

Bago pa man mapunta sa bayan ng Santa Cruz ang pagiging kabisera ng lalawigan, Bay noon ang tinanghal bilang unang kabisera ng lalawigan.

Bahagi ng pagiging sentro ng kultura, may nakagisnang kwento ang mga taga-rito sa animo’y sumpa ng isang prayle sa bayan na hindi na magiging matagumpay ang bayan at hindi raw ito muling uunlad.

Binanggit ni Mayor Padrid ang naturang alamat sa panimulang programa ng selebrasyon at sinabing, nabali na ang sumpa, base sa tinatamasang progreso at kasiyahan ng mga residente nito ngayon.

Panimulang programa ng Fiesta Bayeña. (Larawan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Bay)

“Bagkus dahil sa sipag, pagpupunyagi, disiplina at pagmamahal sa diyos, pamilya at bayan nating mga Bayenos ay binigyan tayo ng panibagong isusulat sa kasaysayan na dito sa ating bayan ng Bay ay sama-sama nating pinutol ang sumpa ng nakaraan para sa pagsulong ng magandang kinabukasan ng ating bayan.”

“Para po sa aming mga kapitbahay dito sa lalawigan ng Laguna at sa ating mga karatig lalawigan, iniimbitahan po namin kayo na bumisita dito sa aming bayan ngayong panahon ng Fiesta Bayeña upang masaksihan ninyo kung gaano kakulay, at gaano kahusay ang aming mga kababayan dito sa bayan ng Bay sa pag-cultivate ng mga magagandang halaman. At kahit tapos na ang festival na ito, mabisita nila yung napaka-gagandang hardin namin dito.” — Christopher Hedreyda, PIA4A

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,922FollowersFollow

AROUND CALABARZON