Tuesday, February 7, 2023

Groundbreaking para sa bagong regional office ng DHSUD 4-A, isinagawa

Nilagdaan ng mga opisyal ng Lungsod ng Biñan at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang isang Usufruct Agreement para sa pagpapatayo ng bagong CALABARZON Regional Office ng ahensya. L-R: City Councilor Echit Desuasido, Mr. Romulo Reyes, Mayor Walfredo “Arman” Dimaguila, Sec. Eduardo Del Rosario, USec. Marylin Pintor, ASec. Daryll Bryan Villanueva (Larawan mula kay Atty. Arman Dimaguila)

BIÑAN CITY, Laguna (PIA) — Pormal nang isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa itatayong bagong Regional Office ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) 4-A sa Biñan City Hall Compound nitong ika-6 ng Hunyo.

Pinangunahan ni DHSUD Secretary Eduardo Del Rosario ang groundbreaking ceremony na dinaluhan ni Biñan City Mayor Walfredo “Arman” Dimaguila, DHSUD Undersecretary Marylin Pintor, DHSUD Assistant Secretary Daryll Bryan Villanueva, DHSUD 4A Regional Director Jann Roby Otero at iba pang mga opisyal ng ahensya at lokal na pamahalaan.

Bukod sa groundbreaking, nagkaroon din ng paglagda ng isang Usufruct Agreement sa pagitan ng DHSUD at Biñan LGU upang masimulan na ang pagpapatayo sa tanggapan ng ahensya sa lupang pag-aari ng lokal na pamahalaan.

Pinaliwanag ni Mayor Dimaguila ang pagpasok ng Biñan at DHSUD sa isang usufruct agreement kung saan mananatili sa lokal na pamahalaan ang pagma-mayari sa lupa kahit na ito ay pagtayuan ng tanggapan ng ahensya.

“Ang gawin natin ay usufruct. Ang kagandahan nito ay magagamit ito ng DHSUD panghabambuhay. Kayo ang gagamit, hindi lang mawawala ang property sa aming city. Time and again kasama pa rin ito sa assets ng ating lungsod para maipakita natin sa taong bayan na lumalaki ang asset ng ating lungsod as time goes by.”

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Sec. Del Rosario si Dimaguila at ang lokal na pamahalaan ng Biñan para sa suportang ibinigay nito sa DHSUD.

“Nagpapasalamat kami sa Biñan LGU dahil magkakaroon na kami ng bagong bahay dito sa Region 4A.”

Pinapurihan din ni Mayor Dimaguila ang pamunuan ng DHSUD sa mga planong proyekto nito sa lungsod at sa buong rehiyon at nanawagan siya ng patuloy na suporta mula sa pamahalaan para sa mga bagong proyektong pabahay ng kanyang administrasyon.

“We are buying or expropriating, whichever is applicable, an eleven-hectare property sa isang barangay dito sa lungsod ng Biñan at aalisin ang lahat ng informal settlers na nasa water waste, nasa sementeryo at danger zones, at kakailanganin po naming ang tulong ninyo [DHSUD].”

Siniguro naman ni Del Rosario ang direktang tulong ng DHSUD sa Biñan at sa buong rehiyon ng Calabarzon para sa marami pang proyektong pabahay.

“In return, makakaasa po ang City of Biñan na maraming maitutulong ang ating ahensya for your human settlements and urban development.”, ani ng kalihim.  — Christopher Hedreyda, PIA 4A (may ulat mula sa DHSUD at Biñan City Information Office)

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,932FollowersFollow

AROUND CALABARZON