Thursday, December 8, 2022

Halalan 2022 sa Laguna, naging mapayapa ayon sa PNP

Nagtalaga ng police assistance desk ang Laguna Police Provincial Office sa iba’t ibang voting centers sa lalawigan noong Mayo 9. (Larawan mula sa Laguna PPO)

CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Naging mapayapa sa pangkalahatan ang naganap na 2022 national ang local elections sa iba’t ibang bahagi ng Laguna bunga ng mahigpit na seguridad at kooperasyon ng publiko, ayon sa Laguna Police Provincial Office (PPO).

Sa ulat ng PPO, sinabi nito na walang naiulat na ‘untoward incident’ o anumang karahasan laban sa mga kandidato, election officers, o mga botante sa mismong araw ng halalan noong May 9.

Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Cecilio Ison, Jr., hepe ng Laguna PPO, na bagama’t natapos na ang halalan ay magpapatuloy pa rin ang checkpoint gayundin ang mga anti-criminality operations ng kapulisan hanggang matapos ang election period sa June 8.

Iniulat din nito na sa kabila ng mga naranasang aberya noong eleksyon dahil sa mga pumalyang vote-counting machines, malapit ng makumpleto ang pag-transmit ng lahat ng mga election returns sa Commission on Elections.

Ayon sa Laguna PPO, aabot sa 62 ang mga naitalang depektibong vote-counting machines at SD Cards sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan na agad namang naisayos batay sa contingency measures ng Comelec.

Aniya, sa ngayon ay aabot na sa 100-porsiyento ang pag-transmit ng resulta patungo sa mga board of canvasses.

Nagpaabot naman si Ison ng pasasalamat sa publiko dahil sa kooperasyon nitong maidaos ng mapayapa at maayos ang halalan.

“We are overwhelmed of the cooperation brought to us by our personnel deployed, AFP, the other agencies, and the force multipliers for the May 2022 polls. And also, we would like to thank our fellow Lagunenses for their cooperation to have a peaceful national and local elections,” pahayag nito.

Tiniyak din nito na magpapatuloy ang Laguna PPO sa pabibigay ng security coverage sa lahat ng treasurers’ office sa iba’t ibang bayan at lungsod sa pagsasauli ng mga ito ng  election paraphernalia. — FC, PIA Laguna

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,931FollowersFollow

AROUND CALABARZON