Thursday, December 8, 2022

Ramil Hernandez muling inihalal na Gobernador ng Laguna

Opisyal nang idineklara ng Provincial Board of Canvassers ang pagkapanalo ni incumbent Laguna Governor Ramil Hernandez bilang muling halal na Gobernador ng lalawigan, ngayong Miyerkules, May 11. (Shimie Taclino, PIA 4A)

CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Magpapatuloy ang ipinangakong ‘Serbisyong Tama’ ni incumbent Laguna Governor Ramil Hernandez matapos itong mamayagpag bilang muling halal na gobernador ng lalawigan.

Ngayong Miyerkules, May 11, ay opisyal nang idineklara ng Provincial Board of Canvassers ang pagkapanalo ni Hernandez. Sa boto na 871,749, tinalo ni Hernandez ang katunggali nitong sina Congresswoman Sol Aragones na mayroong 629,461 na boto at Berlene Alberto na nakakuha ng 11,929 na boto.

Ito na ang ikatlong termino ni Hernandez magmula nang una siyang maluklok bilang Gobernador noong 2016.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Hernandez sa lahat ng mga Lagunense na sumuporta sa kanyang kandidatura.

“Maraming salamat po sa patuloy ninyong pagmamahal, tiwala, at suporta. Sa pagtatapos po ng halalan ay tapusin na rin po natin ang mga usaping pulitika upang magfocus na lamang tayo sa mga bagay na kinakailangan ng ating lalawigan,” pahayag ni Hernandez.

“Makakaasa po kayo na hindi ko sasayangin ang nalalabing tatlong taon ng aking huling termino upang mas marami pa tayong magawa at maitulong,” dagdag ng muling halal na Gobernador.

Makakasama naman ni Hernandez sa kanyang panunugkulan ang running mate nito na si incumbent Vice Governor Atty. Karen Agapay na nanguna din sa halalan sa pagka-bise gobernador ng lalawigan.

Samantala, opisyal na ring ipinroklama ng Comelec ang pagkapanalo ng mga kandidatong nanguna sa pagka-kongresista.

Kabilang dito sina Ann Matibag ng First District, Ruth Hernandez ng Second District, Amben Amante ng Third District, at Jam Agarao ng Fourth District.

Wagi din bilang mambabatas sina Len-Len Alonte ng Biñan City Lone District, Cha Hernandez ng Calamba CIty District, at Dan Fernandez ng Santa Rosa City District. — FC, PIA Laguna

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,931FollowersFollow

AROUND CALABARZON