Tuesday, February 7, 2023

House-to-house vaccination para sa mga PWDs, senior citizens, sinimulan sa Biñan City

BIÑAN CITY — Hindi na kailangan pang pumila sa mga vaccination sites ang mga persons with disabilities (PWDs) gayundin ng mga senior citizens sa Biñan City para magpabakuna kontra Covid-19.

Ito ay matapos ilunsad ng pamahalaang lungsod ang house-to-house vaccination para sa mga residenteng kabilang sa nabanggit na sektor na hirap magtungo sa mga itinalagang vaccination centers dahil sa kanilang kundisyon.

Ang mga nagnanais na maserbisyuhan ng house-to-house vaccination ay kinakailangan lamang makipag-ugnayan sa Pangulo ng samahan ng mga PWDs na nakatalaga sa bawat barangay, ayon sa Gender and Development Office ng pamahalaang lungsod.

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang isinasagawang pagbabakuna sa iba’t ibang vaccination site sa lungsod kung saan tinatanggap ang mga walk-in residents para sa mga edad 12 pataas.

Nagtalaga naman ito ng schedule para sa mga residente ng bawat barangay na magpapabakuna upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa mga vaccination center at maayos na maipatupad ang minimum public health standards.

Tuloy-tuloy din ang pag-arangkada ng ‘vax on wheels’ mobile vaccination clinic sa mga barangay upang mas mailapit sa publiko ang pagbabakuna laban sa nakahahawang sakit na Covid-19.

Nagsimula na rin itong magbakuna ng karagdagang dose ng bakuna o booster shot para sa mga fully vaccinated na indibidwal upang magkaroon ng karagdagang proteksiyon laban sa iba’t ibang variant ng Covid-19. — PIA LAGUNA

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,932FollowersFollow

AROUND CALABARZON