Umabot na sa 165 healthcare facility at medical provider sa rehiyong Calabarzon ang handang magbigay ng komprehensibong primary care service sa ilalim ng programang PhilHealth Konsulta.
Layunin ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) na maihatid ang mas maraming primary outpatient care services tulad ng konsultasyon, health screening and assessment, laboratory test, at gamot para sa nakararaming Filipino.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 1,014,418 miyembro at kanilang dependent ang nakapagrehistro sa PhilHealth Konsulta at inaasahang tataas pa ito sa pag-arangkada ng Alaga Ka activites at site registration para sa iba’t ibang sektor sa buong rehiyon.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng PhilHealth Region IV-A sa mga lokal na pamahalaan at iba pang health care facility nang sa gayon ay magkaroon ng akreditasyon ang mas maraming medical provider sa ilalim ng PhilHealth Konsulta.
Ayon sa PhilHealth, target nilang ikampanya ang programang Konsulta sa mga local chief executive (LCE) at healthcare provider tulad ng mga hospital group at Inter Local Health Zone.
Dagdag pa ng ahensya, malaking tulong ang mga nasabing institusyon upang dumami pa ang PhilHealth Konsulta provider sa rehiyon.