Inabisuhan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang publiko na mag-ingat laban sa mga indibidwal o grupo na nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa Pambansang Pabahay Pilipino Program.
Sa isang pahayag, binigyang sinabi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na maaaring makipag-ugnayan ang mga nais mag-avail ng programa sa mga lehitimo at kaugnay na tanggapan ng kanilang ahensiya.
Binigyang diin ni Acuzar na maliban sa lokal na pamahalaan, Home Development Mutual Fund or Pag-IBIG Fund, Social Housing Finance Corporation, National Home Mortgage Finance Corporation, at National Housing Authority, ay wala nang ibang pribadong tanggapan o grupo ang awtorisadong umaksiyon patungkol sa Pambansang Pabahay.
Inaasahan naman na magiging ‘full blast’ ang implementasyon ng nasabing housing program sa pagsisimula ng konstruksiyon ng mga pabahay sa unang semester ng 2023.
Layon ng programa na makapagtayo ng 1 milyong housing units sa loob ng isang taon at 6-milyon sa loob ng anim na taon na inaasahang tutugon sa problema ng pabahay sa bansa. (FC)