Thursday, December 8, 2022

Payout ng DSWD educational assistance dadalhin na sa mga LGU

Dadalhin na sa mga lokal na pamahalaan simula sa susunod na Sabado, Agosto 27 ang pamamahagi ng educational assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ang inanusiyo ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa kanyang press briefing nitong Sabado matapos dagsain ang tanggapan ng DSWD sa Quezon City ngayong araw sa pagsisimula ng pamamahagi ng educational assistance ng ahensiya.

Aniya ang pagbubukas ng programa sa lahat at pagtanggal ng mga kaukulang requirements gaya ng certificate of indigency ang posibleng naging dahilan kung bakit biglang dumagsa ang mga nais makatanggap ng educational assistance.

Sinabi rin ang Kalihim na maaaring nagkaroon ng “miscommunication” dahil hindi nila inaasahan na ang mga galing pa sa ibang bayan at lungsod ay nagpunta pa sa kanilang tanggapan sa Quezon City. May iba rin aniyang pumila na hindi educational assistance ang pakay kung hindi ang iba pang tulong na ibinibigay ng AICS gaya ng medical at burial financial assistance.

Sinabi ni Tulfo na nakikipag-usap na sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para isagawa sa mga lokal na pamahalaan ang payout ng educational assistance.

“Starting next week tutulong na ang local government units sa payout ng educational assistance pero ang magma-manage ay social workers mula sa DSWD, para synchronize tayo at hindi tayo magulo,” pahayag ng Kalihim.

Siniguro naman ng kalihim na walang mangyayaring pilian sa pamamahagi ng tulong dahil mga social workers ng DSWD ang mangunguna sa pamamahagi ng educational assistance.

“DSWD po ang mamamahala kaya huwag po kayong kabahan na may mangyayaring pilian,” dagdag nito.

Humingi rin ng paumanhin si Tulfo sa nangyaring aberya sa unang araw ng pamamahagi ng educational assistance para sa mga students-in-crisis. Nangako din ang Kalihim na aayusin ito ng DSWD sa pamamagitan ng pagsasagawa ng educational assistance payout sa mga lokal na pamahalaan katuwang ang DILG.

Sa ilalim ng tulong pinansiyal, makakatanggap ng P1,000 ang nasa elementarya, P2,000 ang nasa high school, P3,000 para sa senior high school, at P4,000 para sa nasa kolehiyo o vocational course. Ang distribusyon ay nakatakda tuwing Sabado simula Agosto 20 hanggang Setyembre 24.

4Ps, scholars ng gobyerno ‘di na kasali
Nilinaw naman ng Kalihim na hindi na kabilang sa mga makakatanggap ng educational assistance ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at ang mga tumatanggap na ng kaparehas na tulong mula sa gobyerno.

“Kaya po kayo nasa 4Ps ay incentive yan para mag-aral ang inyong mga anak. Pagbigyan naman po natin ang iba na hindi pa tumatanggap ng ayuda mula sa gobyerno. Sila naman po ang bibigyan natin ng educational assistance,” ani Tulfo.

“Ang mga scholar ng gobyerno ay hindi na rin po kasama dahil alloted na po ang pambili niyo ng [school unform, school supplies] at tuition ninyo,” dagdag ng Kalihim.

Tiniyak din ni Tulfo na mabibigyan lahat ng manghihingi ng tulong hanggang September 24 dahil sapat ang pondo nito sa ilalim ng programa.

Target din ng DSWD na ituloy ang payout sa Lunes hanggang sa mga susunod na araw upang ma-accomodate ang mga hindi naprosesong aplikasyon ngayong araw.

“Huwag po kayong mag-alala na muubusan kayo dahil mayroon po kaming pondo. Lahat po kayo magbibigyan. We are prepared for this,” pagtitiyak ng Kalihim. — FSC, PIA4A

PIAGOVPH4A
PIAGOVPH4Ahttp://pia.calabarzon.news
Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,931FollowersFollow

AROUND CALABARZON