TANAUAN CITY, Batangas (PIA) — Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-22 taong pagkakatatag bilang lungsod ng Tanauan, itinampok ang Bonsai Show Competition na nilahukan ng iba’t ibang bonsai enthusiasts mula sa Tanauan at iba pang bahagi Batangas.
Sa mensahe ni Tanauan City Mayor Nelson “Sonny” Collantes, binigyang diin nito na layon ng patimpalak na matulungan ang mga Tanaueño na may hilig sa pagbobonsai upang mas mapalawak ang kanilang kaalaman at talento at maisulong ang kanilang interes upang maging isang alternatibong hanapbuhay o permanenting pagkikitaan.
“Hinihiling ko lang sa mga organizers dito na matulungang mapababa ang presyo ng bonsai dahil hindi naman lingid sa ating kaalaman ang halaga ng ganitong mga uri ng halaman. Maganda din kung maituturo ito bilang alternatibong hanapbuhay lalo na kung magagawang permanente para sa ating mga kababayang Tanaueño at asahan nyo na nakasuporta ang pamahalaang lungsod sa ganitong inisyatibo,” ani Collantes.
Dagdag pa ng alkalde, kung makikilala ang Tanauan sa mga magagandang bonsai na ito ay maaaring magsulong din sa turismo ng lungsod lalo na sa taga-ibang lugar na mahilig din sa bonsai.
Ayon kay Jojo Natividad, Presidente ng Tanauan Bonsai Society, bukod sa kanilang mga bonsai display na tatagal ng isang linggo. Mayroon ding mga pagsasanay at seminar na ibibigay sa mga beginners at advanced bonsai enthusiasts na nais dumalo sa exhibit.
Aniya pa, isinusulong ng kanilang grupo ang maipakilala ang paggawa ng bonsai hindi lamang sa angking talento ng mga Tanauenos kundi upang maging alternatibong hanapbuhay din bukod pa sa kagustuhang maipakilala sa ibang mga bonsai enthusiasts ang mga punong tulad ng callos at balete na napakadami sa Tanauan ngunit wala sa ibang mga lugar. (Bhaby P. De Castro, PIA Batangas)