Thursday, December 8, 2022

ALAMIN: Tugon ng mga ahensiya ng gobyerno, lokal na pamahalaan sa Arsenic Water Contamination sa Batangas

Patuloy ang pagtugon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng arsenic water contamination sa ilang mga bayan sa lalawigan ng Batangas.

Matatandaang matapos ang pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 2020, nagsagawa ang World Health Organization (WHO) at Inter-Agency Committee on Environmental Health (IACHE) na pinangungunahan ng Department of Health (DOH) ng isang pagsusuri noong Hulyo 2020 upang alamin ang kalidad ng groundwater sources sa mga komunidad na nasa paligid ng bulkan.

Noong Nobyembre 2021, nagsagawa naman ang DOH IV-A, Batangas Medical Center Poison Control Center at Ateneo School of Medicine and Public Health ng repeat water quality assessment kung saan natuklasan ang pagkakaroon ng presensya ng arsenic sa mga piling groundwater sources sa Batangas.

Sa pagpapatuloy ng water quality assessment nitong 2022, mas maraming komunidad sa Batangas ang nakitaan ng unhealth arsenic levels  na mas mataas sa 10 ppb kahit ito ay malayo sa Bulkang Taal.

Office of Civil Defense Calabarzon
Kaugnay nito, nagsagawa ang mga ahensya ng pamahalaan lokal man o nasyunal ng kanilang preparedness measures tulad ng Office of the Civil Defense (OCD) Calabarzon na siyang nanguna sa mga pagpupulong at patuloy na koordinasyon sa mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.

Nakipag-ugnayan din ito sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) para sa pagsasagawa ng water and soil testing at pakikipagpulong sa Batangas Disaster Risk Reduction and Management Officers, LGU Sta. Teresita, Protected Area Management Board, Lemery LGU at PAMB-Taal Volcano Protected Landscape.

Ang OCD Calabarzon din ang siyang nanguna sa pag-endorso ng mga ulat sa mga Disaster Risk Reduction and Management Office ng mga apektadong lokal na pamahalaan at pagbuo sa Inter-Agency Task Force.

Department of Health Region IV-A
Bumuo naman ng Drinking-Water Quality Monitoring Team ang DOH IV-A at naglaan ng listahan ng mga accredited water testing laboratories upang maipabatid sa mga lokal na pamahalaan. Nagsagawa din ito ng blood and urine samples sa Sta. Teresita kung saan sa apat na sumailalim sa pagsusuri ay isa ang nagpositibo sa arsenic.

Ang naturang monitoring team ay naglaan naman ng water testing equipment kabilang ang ang reagents for microbiological testing, training water sampling at microbiological testing para sa Rural Sanitation Inspectors, pagbibigay ng arsenator at pagsasanay sa paggamit nito.

Kabilang din sa mga naging tugon ng Drinking-Water Quality Monitoring Team na binuo ng DOH IV-A ang mga sumusunod:

  • Pagsasagawa ng ikalawang drinking water quality monitoring,
  • Pag-uulat ng mga resulta at rekomendadong solusyon sa Protected Areas Management Board (PAMB) of Batangas sa pakikipagtulungan sa WHO, Ateneo School of Medicine at Public Health at Provincial Health Office, pagbuo ng Provincial IATF for Drinking Water Contamination,
  • Pagsasagawa ng orientasyon at pagsasanay sa risk assessment and risk communication sa mga Municipal Health Officers, sanitation inspectors at barangay health workers gayundin sa pagbibigay ng risk communication materials,
  • Pagsasagawa ng pilot/rapid Bioexposure Screening sa mga identified exposed patients,
  • Pagkakaloob ng gamit sa mga nagpositibong indibidwal sa arsenic,
  • Pagtatalaga ng Batangas Medical Center bilang treatment facility sa mga apektadong indibidwal at pagbuo ng proposal para sa mas malalim na water quality monitoring and health assessment upang mabigyan ng pondo ng WHO, DOH, at iba pang stakeholders.

Bureau of Fisheries and Aquatic Resources IV-A
Nagsasagawa naman ng water sampling sa Lawa ng Taal kada linggo ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) IV-A habang ang Department of Agriculture (DA) IV-A ay inatasan ang Soils Lab at Integ Lab na kumuha ng samples mula sa mga apektadong lugar upang masuri.

Batangas Medical Center
Katuwang din ang Batangas Medical Center sa pagsasagawa ng arsenic testing sa mga posibleng apektadong indibidwal sa pamamagitan ng blood at urine samples, pakikipag-ugnayan sa DOH IV-A at Rural health Units sa patuloy na pagsailalim sa blanket water quality testing sa ilang munisipalidad, health screening at laboratory testing sa mga apektadong indibidwal.

Sumulat din ito sa DA IV-A para humiling ng pagsasagawa ng Testing ng Arsenic level sa soil samples mula sa mga taniman ng palay at gulayan sa bayan ng Laurel gayundin ang sa mga bayan ng Agoncillo, Taal, Lemery at iba pang lugar na pinagtataniman ng gulay sa bayan ng Bauan.

Nagsagawa naman ng Air Sampling Activity ang PAMB-TVPL  bukod sa naunang pagbuo ng Inter-Agency Task Force on Water Contamination.

Nakiupag-ugnayan naman ang Local Water Utilities Administration sa Mines and Geosciences Bureau para sa pagsasagawa ng mapping  at pagpapatuloy ng sampling para sa Physio-chemical analysis.

Lokal na pamahalaan
Bukod sa mga ahensyang nabanggit, may kanyang mga hakbang din na isinagawa ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council  (PDRRMC) katuwang ang mga local DRRMC ng mga bayan ng Sta. Teresita,Alitagtag, Agoncillo, Laurel, Lemery, Tanauan City at  Taal.

Maging ang Batangas State University ay nakipag-ugnayan sa DOST, BatMC, Ateneo Center for Research and Innovation at PNRI para sa Ideation Session for Arsenic.

Samantala,nagsagawa naman ng pagpupulong ang Taal Volcano Toxicology and Environmental Health Task Force para talakayin ang risk communication strategies,  Batangas arsenic interactive map upang maisaayos ang water uality testing at tinalakay ang pagsasagawa ng pulong kasama ang lahat ng Local Chief Executives ng 16 na munisipalidad sa paligid ng Taal Volcano Protected Landscape.

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,931FollowersFollow

AROUND CALABARZON