Sunday, April 2, 2023

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD

Mas pinaigting pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tulong pangkabuhayan nito sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) dahil magkatuwang na itong ipapatupad ng ahensiya at ng mga lokal na pamahalaan.

Kung noon ay kailangan pang dumirekta sa DSWD upang makasali sa programa, ngayon ang mga indibidwal na nais makapag-avail sa SLP ay maaari nang magsumite ng mga kaukulang dokumento sa lokal na pamahalaang sumasakop sa kanila. Ang mga lokal na pamahalaan na ang silang tatanggap ng aplikasyon ng mga potensiyal na benepisyaryo na kanila namang i-eendorso sa DSWD Field Offices.

Sinabi ng DSWD na ang inisyatiba ay ginawa upang mailapit ang programang pangkabuhayan sa mga nasasakupan ng bawat lokalidad at upang maiwasan ang insidente na naganap sa Field Office NCR noong Enero 13, 2023 kung saan humigit-kumulang 2,000 indibidwal ang pumila sa pag-asa na makakatanggap sila ng tulong.

Binigyang diin naman ng DSWD na ang mga benepisyaryo ay kinakailangang dumaan sa serye ng orientation at skills training bilang bahagi ng programa.

Ano ang Sustainable Livelihood Program?
Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Sustainable Livelihood Program, isang community-based capacity building program na layuning tulungan ang mga bulnerableng sektor na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.

Sinu-sino ang maaaring sumali sa programang ito?
Alinsunod sa DSWD Memorandum Circular No. 14, series of 2018, sakop ng Sustainable Livelihood Development Program ang mga indibidwal na tinukoy ng Department of Social Welfare and Development, at iba pang National Government Agencies, Local Government Units, State Universities and Colleges, Civil Society Organizations, Self Governing Boards and Commissions:

  • Kabilang sa pinakamahirap na household alinsunod sa National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR).
  • Mga pamilya o indibidwal na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at iba pang kwalipikadong pamilya na hindi kabilang sa NHTS-PR.
  • At least 18 taong gulang para sa Employment Facilitation Track, at mahigit 16 taong gulang para naman sa Microenterprise Development Track.
  • Benepisyaryo ng alinmang social protection program and services ng DSWD na mayroong labor skills subalit kasalukuyang walang pormal na trabaho.
  • Benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nang hindi bababa sa dalawang (2) taon.

Anu-anong assistance ang ibinibigay ng Sustainable Livelihood Program?
Maaaring pumili ang mga benepisyaryo ng isa sa dalawang track: Microenterprise Development, at Employment Facilitation na siya namang pagbabatayan ng pamahalaan sa mga ibibigay nitong assistance o tulong.

Ang bawat sambahayan ay pinapayagan lamang na mag-enroll ng hanggang dalawang miyembro sa magkaibang track.

Microenterprise Development
Ang Microenterprise Development track na maghatid ng capacity-building program. Batay sa assessment ng pamahalan, pagtutuunan nito ang micro-enterprise development, skills enhancement, networking and partnership building, maging ang pagbibigay ng capital na gagamiting panimula sa microenterprise ng mga benepisyaryo.

Employment Facilitation
Sa halip na pagtatayo ng negosyo, layunin naman ng Employment Facilitation na gawing job-ready ang mga benepisyaryo, sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na technical skills training, occupational guidance and counselling, maging job referrals o placement.

Ang mga benepisyaryo ng programa na makakapasa sa selection process at makakadalo sa orientation at skills training ay tatanggap ng livelihood assistance grants. Para sa Microenterprise development fund, ang mga benepisyaryo ay maaaring tumanggap ng P15,000 capital seed fund habang P5,000 hanggang P15,000 naman ang maaaring matanggap ng mga kalahok ng employment facilitation track.

Paano makakasali sa programa?

  • Bisitahin ang inyong City o Municipal Social Welfare and Development Office at makipag-ugnayan sa itinalagang SLP-Project Development Officer para sa mga itinakdang schedule ng SLP activities.
  • Dumalo sa mga naka-schedule na SLP activity sa inyong lugar. Mainam rin na makiisa sa mga SLP activity na ilulunsad sa inyong lugar.
  • Matapos ang unang SLP activity, maglulunsad ang mga local Social Welfare and Development Office ng iba pang gawain batay sa mga kwalipikasyon ng mga benepisyaryo sa kanilang lugar. Dito ipapaliwanag kung paano maipagpapatuloy ng mga benepisyaryo ang kanilang paglahok sa potensyal na programang pangkabuhayan.

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,922FollowersFollow

AROUND CALABARZON