Sunday, April 2, 2023

Paano pinapalakas ng Dep’t of Agriculture ang produksiyon ng virgin coconut oil sa probinsiya ng Quezon

Mas masiglang industriya ang naghihintay para sa mga magniniyog sa probinsiya ng Quezon partikular sa mga miyembro ng Quezon Federation and Union of Cooperatives sa nalalapit na pagbubukas ng virgin coconut processing enterprise project ng Department of Agriculture (DA).

Ang VCO processing facility na matatagpuan sa Brgy. Binahaan sa Pagbilao, Quezon ay pinondohan sa ilalim ng Philippine Rural Development Project (PRDP) ng DA. Layon ng PRDP na magtatag ng moderno, value chain-oriented at climate-resilient na sektor ng agrikultura at pangisdaan sa bansa.

Ayon sa ahensiya, kaya ng naturang pasilidad na mag-produce ng higit 2,000 litro ng virgin coconut oil kada araw mula sa 15,000 piraso ng niyog. Sa ngayon, patuloy ang pagsusuri ng pederasyon sa pasilidad at mga kagamitan nito bago ang nakatakdang pagbubukas nito ngayong unang semestre ng taon.

Sa pamamagitan ng enterprise project, umaasa ang proponent group at ang DA-PRDP na pasisiglahin ng proyekto ang paggamit ng niyog sa lugar mula sa pangunahing produksyon ng kopra hanggang sa mas kapaki-pakinabang na virgin coconut oil.

Upang mapakinabangan ang lokal na suplay ng niyog at mahikayat ang lokal na produksyon, plano ng Quezon Federation and Union of Cooperatives na unahin ang mga lokal na magsasaka ng niyog sa Pagbilao at iba pang lugar sa Quezon bilang mga supplier ng raw materials para sa kanilang pagproseso ng VCO.

Plano rin nilang kumuha ng mga manggagawa sa loob ng munisipalidad upang makapagbigay ng mas maraming oportunidad at mapataas ang produktibidad at trabaho sa lugar. Ang mga mangagawa ay magsisilbing desheller at equipment operator.

Ayon kay Randy Fajardo, Chief Executive Officer ng Quezon Federation and Union of Cooperatives, mayroon na silang natukoy na target market kung saan maaari nilang ibenta ang naturang produkto.

Plano nilang i-export ang 95% ng kanilang mga produkto habang ang natitira ay ibebenta nila sa mga lokal na pamilihan sa bansa. Plano rin nilang gamitin at kumita mula sa mga natirang bahagi ng niyog tulad ng shells, extracted meat, atbp. upang lubos na mapakinabangan ang mga ito at mabawasan ang maaaring masamang epekto ng mga ito sa kapaligiran.

Sa ikalawang quarter ng 2023, umaasa silang pormal na nilang simulan ang operasyon ng kanilang pasilidad.

“Maganda ang potential ng project na ito kaya naman malaki ang aming pasasalamat sa mga sumuporta sa aming mga ahensya at institusyon lalo na ang Department of Agriculture at lokal na pamahalaan ng Quezon,” ani Fajardo.

“Sisikapin naming mapatakbo at mapaunlad pa ito upang tuloy-tuloy kaming makatulong sa mga miyembro ng kooperatiba, magsasaka, at sa industriya ng pagniniyog sa aming probinsya,” dagdag nito. — may ulat mula sa DA 4A-PRDP

PIAGOVPH4A
PIAGOVPH4Ahttp://pia.calabarzon.news
Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,922FollowersFollow

AROUND CALABARZON