Thursday, September 29, 2022

ALAMIN: Paano makapag-avail ng employment emergency assistance ng DOLE

Ang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, ay programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagbibigay ng panandaliang trabaho o ’emergency employment’ sa loob ng 10 hanggang 30 araw.

Ito  ay isinasagawa sa pamamagitan ng direktang pamamahala ng DOLE katuwang ang mga accredited co-partners ng ahensiya gaya ng mga lokal na pamahalaan at kinikilala nitong non-government organizations.

Mas pinaigting ang implementasyon ng programa noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic na nagtulak sa pamahalaan upang magpatupad  malawakang lockdown dahilan para matigil ang operasyon ng mga negosyo gayundin ng mga trabaho.

Mga Kuwalipikadong Benepisyaryo

Pangunahing benepisyaryo ng programa ang mga manggagawang natanggal sa trabaho o nawalan ng pangkabuhayan dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari.

Kabilang din sa mga maaaring mapabilang sa TUPAD ang mga self-employed na trabahante na nawalan ng hanapbuhay dahil sa mga kalamidad, krisis, epekto ng krisis o giyera at ang mga seasonal workers.

Ang mga manggagawang tinanggal sa trabaho dahil sa pagbabawas ng trabahador o pagsasara ng kumpanyang kanyang pinapasukan at mga manggagawang kulang ang kinikita ay maaari ring mag-apply sa programa.

Mga trabaho ng mga benepisyaryo

Ang mga benepisyayro ay sasailalim sa trabaho na itatakda ng co-partner ng DOLE. Narito ang ilan sa mga trabaho ng mga benepisyaryo:

  • Mga magagaang trabaho tulad ng pagwawalis ng kalsada at paglilinis ng pampublikong pasilidad.
  • Mga panlipunang proyekto tulad ng pagsasaayos ng mga baradong kanal, pagtanggal ng mga kalat pagkatapos ng sakuna.
  • Pagkukumpuni ng mga maliliit na sira ng pampublikong pasilidad tulad ng paaralan o sentro ng kalusugan.
  • Pagkukumpuni at pagsasaayos ng mga pasilidad at imprastraktura gaya ng health center, irigasyon, kalsada, evacuation center, o paaralan
  • Paglilinis at pagsasaayos ng kalsada, mga tulay, mga pasilidad sa pag-aani at iba pa.
  • Pagtatanim ng mga punongkahoy, pagsasaayos ng kagubatan at paghahalaman.
  • Pagsasagawa ng pangangalap ng datos o survey katuwang ang ibang sangay ng gobyerno.

Bago magsimula ang kanilang trabaho ay magkakaroon muna ng oryentasyon tungkol sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho. Bibigyan din sila ng personal protective equipment o ibang kagamitan para sa proteksyon habang nagtatrabaho. Mayroon din silang matatanggap na micro insurance bilang bahagi ng programa.

Ayon sa DOLE, ang mga proyekto na tumatagal ng 45 hanggang 90 araw ay dapat isagawa sa pakikipagtulungan sa mga ahensiyang nagpapatupad ng mga proyekto gaya ng Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources, mga lokal na pamahalaan, at maging sa pribadong sektor na nais maging katuwang sa mga nasabing proyekto.

Ang mga kaagapay sa programa ay dapat magbigay ng mga kagamitan o materyales na kailangang gamitin sa trabaho.

Magkano ang sahod na matatanggap?

Ang sahod na matatanggap ng mga benepisyaryo ay katumbas ng bilang ng araw na sila ay nagtrabaho at hindi bababa sa umiiral na minimum wage sa rehiyon.

Bukod sa sahod at iba pang benepisyo, maaari ring makakuha ng skills training mula sa Technical Education and Skills Development (TESDA) upang maging handa sila sa pagtatrabaho sa establisyimento na maaari nilang pasukan pagkataos ng program.

Paraan para makapag-apply sa TUPAD

Ang mga informal workers ay maaaring makipag-ugnayan sa barangay o di kaya sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) upang mapabilang sa listahan ng mga benepisyaryo.

Tanging mga opisyal ng lokal na pamahalaan gaya ng punong barangay, alkalde at iba pa ang awtorisadong mag-proseso ng aplikasyon para mapabilang sa TUPAD.

Ang lokal na pamahalaan ang siyang maghahanda ng mga kaukulang dokumento kabilang ang liham o sulat na nagsasaad ng paghingi ng tulong sa ilalim ng programa; profile ng mga benepisyaryo; kasunduan sa pagitan ng DOLE at LGU, NGO o barangay; group micro-insurance; kontrata ng mga benepisyaryo at iba pa.

Ayon sa DOLE, isa lamang sa bawat pamilya kada taon ang maaaring maging benepisyaryo ng programa. Maaari namang makatanggap ulit ng tulong ang benepisyaryo sa kaparehas na taon kung ito ay naging biktima ng kalamidad.

PIAGOVPH4A
PIAGOVPH4Ahttp://pia.calabarzon.news
Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,938FollowersFollow

AROUND CALABARZON