Thursday, September 29, 2022

ALAMIN: Bakit Mahalagang Makilahok sa Community-Based Monitoring System

Ang impormasyong ito ay mula sa Philippine Statistics Authority

Isasagawa ngayong Agosto ang 2022 Community-Based Monitoring System (CBMS) sa humigit-kumulang na 600 lungsod at bayan sa ating bansa, sa pangunguna ng Philippine Statistics Authority (PSA) at mga kaukulang lokal na pamahalaan.

Ang CBMS ay naglalayong abutin ang bawat isang sambahayan o household upang kapanayamin tungkol sa kanilang demographic at socio-economic characteristics at iba pang impormasyong may kinalaman sa kanilang kalusugan, nutrisyon, istruktura ng bahay na tinitirahan, access sa malinis na tubig at palikuran, edukasyon, kakayahang bumasa’t sumulat, partisipasyon sa komunidad, trabaho at kabuhayan, at kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad. Ang mga impormasyong ito ay magsisilbing mga sukatan o indicators ng kalagayan ng pamumuhay ng mga sambahayan at mga komunidad sa ating bansa

ANO ANG LAYUNIN NG CBMS?
Ang mga impormasyon ay gagamitin sa paggawa ng mga programa at panukala ukol sa pagbibigay ng mga sapat na pangunahing serbisyo. Hangarin nitong maitaas ang antas ng pamumuhay, magkaroon ng sapat na trabaho, at pinabuting kalidad ng buhay para sa lahat.

Ito ay base sa Republic Act No. 11315 o ang CBMS Act na pinagtibay noong ika-17 ng Abril 2019. Ito ay upang makatugon sa pangangailangan ng ating bansa na magkaroon ng mas maayos na mga datos pang-estadistika na ating magiging batayan at gabay sa pag-unlad. Ayon sa CBMS Act, ang PSA ang mangunguna sa implementasyon ng CBMS. Katuwang ng PSA sa pagpapatupad nito ay ang Department of the Interior and Local Government, at Department of Information and Communications Technology, na siyang bumubuo ng CBMS Council.

BAKIT MAHALAGA ANG CBMS?
Ang CBMS ay magiging matibay na batayan para sa mga sumusunod:

  • Mas epektibong pagpa-prioritize ng mga LGUs at concerned government agencies ng mga kinakailangang polisiya at programa para sa pagkakaloob ng pangunahing serbisyo para sa bawat Pilipino.
  • Mas mainam na mga service facilities at infrastructures tulad ng mga daan, tulay, eskwelahan, ospital, at iba pa.
  • Mas maayos na targeting ng mga eligible beneficiaries ng mga social protection programs lalo na sa mga vulnerable sectors ng ating lipunan (mga mahihirap, mga persons with disability, mga bata, solo parents, mga senior citizens, mga magsasaka at mangingisda, mga mamayan sa conflict at disaster-affected communities).

Ilan lamang ang mga ito sa mahahalagang benepisyo ng CBMS sa buhay ng bawat isang Pilipino. Magiging makabuluhan lamang ang mga ito kung makikilahok ang bawat sambahayan at pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng tapat na impormasyon na ipagakakatiwala sa panahon ng pagbisita ng mga enumerators sa inyong tahanan para isagawa ang interview.

PAANO ISASAGAWA ANG CBMS?
Sa mga lungsod at bayan na kasali sa CBMS ngayong taon, mayroong mga hired field personnel tulad ng enumerators o data collectors, team supervisors, at area supervisors na liligid at magbabahay-bahay sa bawat komunidad upang isagawa ang nasabing panayam o interview.

Ang mga nabanggit na field personnel ay required na sumailalim sa walong araw na matinding pagsasanay tungkol sa mga konsepto sa CBMS, angkop na paraan ng pagtatanong o pag-iinterview, at ang paggamit ng computer application para sa gagawing house-to-house interviews. Sa pagpapasimula ng aktwal na pagkalap ng impormasyon sa mga sambahayan, kinakailangang maisagawa muna ng mga CBMS field personnel ang courtesy call sa tanggapan ng pamahalaang pambarangay upang makuha ang endorsement ng tanggapan ng punong barangay sa isinasagawang CBMS sa kanilang lugar.

Ang pagkalap ng impormasyon ay sa pamamagitan ng Computer-Assisted Personal Interviewing (CAPI). Ito ay face-to-face interview o personal na pakikipanayam sa isang responsableng miyembro ng sambahayan gamit ang questionnaire na nakalagay sa isang tablet. Sa mga natatanging pagkakataon, Paper and Pencil Interviewing (PAPI) naman ang magiging proseso ng pagkuha ng impormasyon mula sa mga inaasahang respondents ng gawaing ito.

Gagamitin ang datos mula sa CBMS bilang basehan sa: (1) pagsusuri ng tunay na kalagayan ng kabuhayan ng mga sambahayan sa ating bansa; (2) makagawa ng nauukol na plano at programa ang mga lokal na pamahalaan at ang national government tungo sa pag-ibsan ng kahirapan sa ating bansa; at (3) pag-tukoy ng mga karapat-dapat na benepisyaryo ng iba’t ibang social protection programs ng pamahalaan.

Inaanyayahan ang lahat na makilahok at makibahagi sa matagumpay na pagsasagawa ng CBMS simula ngayong Agosto. Swak na Datos Para sa Komunidad na Mas Maayos – CBMS, Para sa Atin ‘to!

PIAGOVPH4A
PIAGOVPH4Ahttp://pia.calabarzon.news
Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,938FollowersFollow

AROUND CALABARZON