Thursday, September 29, 2022

ALAMIN: Special Program for Employment of Students

Ang Special Program for Employment of Students (SPES) ay isang employment-bridging program ng Department of Labor and Employment na naglalayong mabigyang oportunidad ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na mag-aaral at mga kabataan na makapagtrabaho tuwing bakasyon, Pasko, o anumang panahon.

Ang SPES ay pinagtibay ng Republic Act 7323 na naisabatas noong 1992 upang matulungan ang mga estudyante na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa alinmang sekondarya, kolehiyo, o technical-vocational school.

Sa inamiyendahang batas ng SPES o Republic Act 10917, saklaw na ng programa ang mga OSY at mga dependents ng mga manggagawang nawalan o mawawalan ng trabaho. Itinaas din ng batas ang kuwalipikadong edad ng mga benepisyaryo mula sa 25 hanggang 30 taon.

Sa ilalim ng SPES, babayaran ang mga benepisyaryo para sa mga serbisyong ibinigay sa kanilang temporary employment sa mga katuwang na establisyimento, pribado man o pampubliko.

Sino ang puwedeng mag-apply sa SPES?

Ang mga sumusunod edad 15 hanggang 30 ay maaaring mag-apply sa SPES:

  • Mga estudyante na nakakuha ng hindi bababa sa average passing grade sa huling school year o term na dinaluhan.
  • Mga out-of-school youth na sertipikado ng Barangay o local Social Welfare and Development Office.
  • Mga dependent ng mga manggagawang nawalan o mawawalan ng trabaho na sertipikado ng employers, Barangay, DOLE Regional Office, o local Social Welfare and Development Office.

Paano mag-apply sa SPES?

Ang mga estudyante, OSY, o dependent ng ma displaced o magiging displaced na manggagawa ay maaaring pumunta sa tanggapan ng Public Employment Service Office ng lokal na pamahalaan na sumasakop sa kanilang lugar upang mag-apply para sa SPES.

Ang PESO ang siyang mangangasiwa sa pag-proseso ng aplikasyon para sa SPES kabilang na ang matching at referral gayundin ang pag-endorso ng mga aplikante sa mga employers at establisyimento na kalahok sa programa.

Ano-ano ang kailangan para makapag-apply sa SPES?

Kinakailangan na sagutan at ipasa ang Application Form o SPES Form kalakip ang mga sumusunod na dokumento.

1. Photocopy ng birth certificate o alinmang government issued IDs o anumang opisyal na dokumento na nagsasaad ng petsa ng kapanganakan/ edad ng aplikante.

2. Maliban sa mga dependent ng mga displaced o magiging displaced na manggagawa:
Para sa mga aplikante na ang magulang ay kabilang sa wage-earners, maaaring isumite ang alinman sa mga sumusunod:

  • Photocopy ng Income Tax Return (ITR)
  • Photocopy ng Certifice of Tax Exemption mula sa BIR
  • Original copy ng Certificate of Low Income mula sa barangay para sa mga naninirahan sa labas ng 10 kilometer-radius mula sa pinakamalapit na Revenue District Office ng BIR.

Para sa mga aplikante na ang magulang ay hindi sa wage-earners

  • Original copy ng Certificate of Indigence or Low Income mula sa Barangay o Social Welfare and Development Office.

3. Para sa mga estudyante sa basic education: photocopy ng Form 138 (Student’s Report Card) o Form 137 (Student’s Permanent Record) ng huling school year o term na pinasukan bago ang aplikasyon.Para sa mga college students: photocopy ng report of grades o complete set ng academic class cards na nakasaad sa kanilang registration form.Kung wala naman ang mga nabanggit, maaaring magsumite ng sertipikasyon mula sa paaralan na nagpapatunay na ang aplikante ay may pasadong general average o general weighted average.

4. Para sa mga aplikante na OSY, kinakailangan magsumite ng original copy ng Certificate as OSY mula sa Barangay Chairman o Punong Barangay o authorized representative ng Barangay, o di kaya Certification mula sa Social Welfare and Development Office ng lokal na pamahalaan.

5. Para sa mga dependent ng mga manggagawang nawalan o mawawalan ng trabaho, kailangan na isumite ang alinman sa mga sumusunod:

  • Notice of Termination mula sa employer;
  • DOLE RO’s Establishment Termination Report (ETR)
  • Certification of Displacement mula sa concerned barangay, municipal o city social worker development officer.

Ayon sa DOLE, ang orihinal na kopya ng mga dokumento ay kailangan din ipakita para sa beripikasyon ng PESO.

Dahil ang karamihan sa mga employer ay nagpapatupad ng SPES sa panahon ng summer vacation o katapusan ng academic school year, ang mga aplikante ay pinapayuhan na mag-apply sa unang bahagi ng Enero o unang quarter ng taon.

Magkano ang sahod na matatanggap ng isang SPES beneficiary?
Ang suweldo o sahod na kanilang matatanggap ay batay sa minimum wage sa lugar o applicable hiring rate. Ang 60 porisyento ng sahod ay manggagaling sa employer habang ang 40 porsiyento ay subsidized at babayaran ng gobyerno sa pamamagitan ng DOLE.

Batay sa itinatakda ng RA 10917, depende sa income ng isang lokal na pamahalaan, maaari nitong akuin ang pagbabayad ng buong sahod ng mga benepisyaryo. Samantala, maaari namang itaas hanggang sa 75 porsiyento ang national government share para sa mga low-income municipalities.

Mula nang unang ipatupad ang SPES noong 1993, itinuturing na ito sa isa sa mga maganda at kapaki-pakinabang na mga programang pangkabataan ng pamahalaan kung saan ang mga estudyante at OSY ay nalalantad sa tunay na mundo ng trabaho.Sa pamamagitan nito ay nalilinang ang kanilang kasanayan at napapahusay ang kanilang kakayahan na mahalaga upang mapadali ang paghahanap nila ng trabaho matapos ang kanilang pag-aaral.Batid ng programa na ang paghahasa sa kakayahan ng mga kabataan ay makakatulong upang magkaroon ng mas masigla at agresibong labor market ang bansa na isa sa mga batayan sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
PIAGOVPH4A
PIAGOVPH4Ahttp://pia.calabarzon.news
Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,938FollowersFollow

AROUND CALABARZON