Ngayong darating na Mayo 9, muling dadagsa ang mga Pilipinong botante sa kani-kanilang mga presinto para ihalal ang mga panibagong lider ng pambansa at lokal na pamahalaan.

Tinatayang higit sa 67.5 milyon ang rehistradong botante para sa 2022 National and Local Elections, ayon sa Commission on Elections (COMELEC).

Kagaya noong nakaraang halalan, automated muli ang pagboto kaya’t narito ang mga ilang mga gabay na dapat sundin sa araw ng halalan:

1. Hanapin ang presinto gamit ang COMELEC Precinct Finder. Mahalagang malaman na bago ang araw ng halalan kung saang presinto boboto para maging madali ang paghahanap rito.

2. Sumailalim sa temperature check bago pumasok ng polling precinct.

3. Magtungo sa Voters’ Assistance Desk (VAD) para alamin ang precinct number kung hindi nakuha sa Precinct Finder, sequence numbers, at assigned room o clustered precinct.

4. Pumunta sa assigned room at magpakilala sa Electoral Board sa pamamagitan ng pagsabi ng inyong pangalan, precinct number at sequence number.

5. Kunin ang balota, ballot secrecy folder at special marking pen mula sa Electoral Board at umupo sa assigned voting area upang bumoto.

6. Sa pagboto, itiman ang loob ng bilog sa unahan ng pangalan ng kandidatong nais iboto. I-shade nang buo ang bilog para siguradong mabasa ang boto. Bawal rin magkamali dahil isang beses lamang bibigyan ng balota ang isang botante.

7. Matapos ang pagboto, dahan-dahang ipasok ang balota sa Vote Counting Machine (VCM).

8. Hintaying lumabas ang voter’s receipt mula sa VCM. Suriin nang mabuti kung tama ang mga binoto.

9. Kung tama ang mga nakalagay sa resibo, ihulog ito sa nakatalagang lagayan. Bawal iuwi o ilabas ang resibo.

10. Magpalagay ng indelible ink sa kuko ng kanang hintuturo.

Ilang mga paalala mula sa COMELEC:

• Dumating sa nakatakdang oras ng pagboto. Magsisimula ang botohan ng alas-6 ng umaga at tatagal hanggang alas-7 ng gabi.

• Maiging ihanda ang kodigo bago ang araw ng halalan para hindi na magtagal pa sa loob ng voting precinct. Ang pagkakaroon ng kodigo ay hindi lamang para sa mabilis na pagboto, kundi para maiwasan rin ang pagkakamali sa pag-shade ng balota.

• Pwedeng hindi bumoto para sa isang posisyon, basta’t siguraduhing hindi sosobra sa nakatakdang bilang.

• Tandaan ding i-check ang likod ng balota para makaboto para sa partylist.

• Hindi kailangang magpresenta ng valid ID bago makaboto. Pero para makasigurado, pinapayuhan ng ahensya ang mga botanteng magdala ng government-issued ID lalo na kung iba ang itsurang nakalagay sa picture na hawak ng Electoral Board.

• Hindi na kailangan magpresenta ng RT-PCR, antigen test, o vaccination card sa polling precinct. Hindi rin required ang pagsusuot ng face shield.

• Nananatiling required ang pagsusuot ng face mask, pagsunod sa social distancing, at ang paghuhugas ng kamay bilang mga minimum health protocols at itinalaga ng Department of Health (DOH) at ng COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF)

• Ang mga may sintomas ng COVID-19 o mga positibong pasyente nito ay papayagang makaboto sa itinalagang Isolation Polling Precinct sa loob ng paaralan kung saan naka-rehistro ang botante.