Anim na brand ng bakuna kontra COVID-19 ang binigyan na ng kaukulang emergency use authorization ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) para magamit sa ikalawang booster shot o ika-apat na dose, ayon sa Department of Health (DOH).

Inaasahang sa susunod na linggo ay sisimulan na ang pagtuturok nito kung saan uunahing bigyan ang mga sa mga senior citizen, immunocompro­mised, at mga health workers.

Nakatakda sanang simulan nitong Miyerkules, Abril 20 ang roll out ng ikalawang booster shot ng bakuna ngunit ipinagpaliban ito habang hinihintay pa ang pinal na rekomendasyon ng Health and Technology Assessment Council upang masimulan na ang pagtuturok nito.

Narito ang mga kailangan mong malaman tungkol sa ikalawang COVID-19 booster shot:

Anong mga brand ng COVID-19 ang maaaring gamitin?
Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson at Health Undersecretary Myrna Cabotaje, kabilang sa mga inaprubahan ng FDA ang mga bakuna na Pfizer, Moderna, Sinovac, AstraZeneca, Sputnik Light, at J&J vaccine.

Sino ang maaaring magpaturok ng ikalawang COVID-19 booster shot?
Ibibigay ang ikala­wang booster shot sa mga indibidwal na nakatanggap ng unang booster may apat na buwan na ang na­kalilipas. Prayoridad sa pgbabakuna ang mga senior citizen, immunocompro­mised, at mga health workers.

Saan magsisimula ang rollout ng ikalawang dose ng booster shot?
Sisimulan ang pagbabakuna nito sa mga lugar sa Metro Manila, ayon kay Cabotaje. Aniya, humiling din ang ilang mga lokal na pamahalaan sa Central Luzon at Calabarzon na isama sila sa mga unang lugar na magbabakuna ng ikalawang COVID-19 booster shot.

Nauna nang nagpahayag ang Malacañang na ang pagbibigay ng ikalawang COVID-19 booster shot ay tugon ng pamahalaan sa siyentipikong ebidensiya upang lalong mapalakas ang proteksiyon laban sa nakahahawang sakit.