Tuesday, February 7, 2023

GUIDE: Maaari bang magpa-booster shot kung may sintomas ng Covid-19?

Muling nakararanas ng pagtaas sa bilang ng aktibong kaso ng Covid-19 sa bansa, kasunod ng pagsipa ng mga naitatalang panibagong kaso ng sakit sa iba’t ibang lugar sa pagsisimula ng taong 2022.

Pinangangambahan din ang patuloy pang pagtaas nito sa mga susunod na araw dahil sa banta ng Omicron variant.

Sa Calabarzon, aabot na sa mahigit 24,523 ang aktibong kaso ng Covid-19, matapos makapagtala ng mahigit 19,000 panibagong kaso ng sakit mula Enero 10 hanggang 16, batay sa datos ng Department of Health (DOH) Region 4A.

Kaya naman, maigting ang paalala ng DOH sa publiko na palagiang sundin ang minimum public health standards upang maiwsan ang pagkalat ng sakit. Inaabisuhan din nito ang mga hindi bakunado na magpabakuna upang magkaroon ng proteksiyon laban sa malalang sintomas ng Covid-19.

Hinihikayat din ang mga fully vaccinated individuals na magpabakuna ng booster shot o karagdagang dose ng bakuna bilang dagdag na proteksiyon laban sa panibagong variant ng sakit.

Kaugnay nito ay naglabas ng paalala ang DOH sa mga bakunadong indibidwal na nakararanas ng sintomas o di kaya ay nagpositibo sa Covid-19 na magpapabakuna ng booster shot.

Ayon sa ahensiya, kinakailangang tapusin muna ang itinakdang isolation period at pagalingin ang sarili mula sa sakit bago magpabakuna ng booster shot upang maiwasan ang panganib na makapanghawa sa iba.

Dagdag pa ng ahensiya, maaaring magkaiba ang mga sintomas na maaaring maranasan ng bawat indibidwal. Kung makararanas anila ng iba pang sintomas tulad ng hirap sa paghinga ay mainam na kumonsulta muna sa isang health practitioner para mabigyan ng karampatang gamot.

Narito ang checklist ng DOH para malaman kung maaari nang magpabakuna ng booster shot kung kagagaling lamang sa Covid-19 o nakaranas ng mga sintomas nito.

  • Kung tatlong buwan na ang nakalipas matapos ang iyong primary series ng AstraZeneca, Moderna, Pfizer, Sinovac, or Sputnik, o pagkataps ng dalawang buwan para sa single-dose na Janssen vaccine.
  • Natapos mo ang iyong isolation period.
  • Maski hindi na naggagamot, hindi ka nilalagnat sa loob ng 24 oras.
  • Bumuti ang iyong respiratory symptoms.

Ayon sa DOH, kung na-tsek ang lahat ng ito ay maaari nang magbakuna ng booster shot.

Saan makakakuha ng booster shot?
May ilang lokal na pamahalaan sa Laguna ang nagsimula nang magbakuna ng booster shot para sa mga nasasakupan nitong may kumpletong dose ng bakuna.

Tuloy-tuloy din ang vaccination program nito para sa mga indibidwal na tatanggap pa lamang ng pauna at ikalawang dose ng kanilang bakuna kontra Covid-19.

Sa Biñan City at Santa Rosa City, binuksan din ang mga vaccination centers nito para sa mga residenteng nais mag walk-in ngunit limitadong bilang lamang ang tinatanggap nito upang maiwasan ang ‘overcrowding’ at mahigpit na maipatupad ang minimum public health standards.

Mangyaring makipag-ugnayan sa inyong local health office o di kaya ay umantabay sa mga opisyal na anunsiyo ng inyong lokal na pamahalaan kaugnay ng pagbabakuna ng booster shot.

— PIA LAGUNA

RELATED ARTICLES

Follow Philippine Information Agency Calabarzon for updates and stories from the different parts of the Calabarzon Region.

203,000FansLike
400FollowersFollow
1,932FollowersFollow

AROUND CALABARZON