Inumpisahan na ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Covid-19 Alert Levels System na papalit sa community quarantine classifications na  ECQ, MECQ, GCQ, at MGCQ.

Kumpara sa ECQ, mas maluwag na restriksyon ang ipapatupad sa ilalim ng bagong sistema maliban na lamang sa Alert Levels 4 at 5 kung saan patuloy na tumataas ang kaso ng Covid-19 at umabot na sa critical level ang healthcare utilization rate.

Mauunang ipatupad sa Metro Manila ang Covid-19 Alert Levels System sa Setyembre 16, ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Sa ilalim din ng bagong sistema ay bibigyang kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng ‘granular lockdown’ sa mga partikular na lugar sa kanilang bayan o lungsod na may mataas na kaso ng Covid-19.

Ano ang granular lockdown?

Ang granular lockdown ay isang maliit na quarantine sa mga lugar na maituturing na ‘critical zones’ o ‘high-risk’ para sa Covid-19.

Sa halip na ilagay ang isang buong rehiyon o lungsod sa ilalim ng mahigpit na mga patakaran ng COVID-19, isang barangay, isang nayon, isang kalye, isang bloke, o kahit isang bahay lamang ang masasakop ng granular lockdown.

Tatagal ang lockdown ng 14 na araw kung saan hindi pinapahintulutang lumabas ang sinuman maliban na lamang sa mga sumusunod.

  • Health care workers, doktor, nars, empleyado ng mga health laboratories at dialysis centers
  • Overseas Filipino workers na kababalik lamang ng bansa at kakatapos lamang ng 14 day quarantine
  • Mga indibidwal na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon

Ayon sa Inter-Agency Task Force, ang mga apektadong sambahayan ay makakatanggap ng tulong mula sa kanilang lokal na pamahalaan at Department of Social Welfare and Development.

Ang granular lockdown ay bahagi na ng mga hakbang ng pamahalaan simula noong nakaraang taon.

Ipinatupad na ito ng iba’t ibang mga LGU sa buong bansa upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19, bukod sa mas malawak na mga paghihigpit sa quarantine ng komunidad na napagpasyahan ng pambansang pamahalaan. — FC, PIA4A