Sinimulan na ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Covid-19 Alert Levels System, isang bagong sistema na binuo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases upang makontrol at mapigilan ang pagkalat ng nakahahawang sakit na Covid-19.

Ang bagong sistema ay unang ipapatupad sa Metro Manila kung saan isasailalim ang buong National Capital Region sa Alert Level 4 simula Setyembre 16 hanggang 30.

Ito ay bagong polisiya na papalit sa quarantine classification na ECQ, MECQ, GCQ, at MGCQ.

Mas maluwag na restriksyon ang ipapatupad sa ilalim ng bagong sistema maliban na lamang sa Alert Levels 4 at 5 kung saan patuloy ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 at malapit nang umabot sa critical level ang healthcare utilization rate.

Sa bagong sistema, bibigyang kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan o local IATF na magpatupad ng granular lockdown sa mga partikular na lugar o komunidad na kanilang nasasakupan kung saan may naitalang mataas na kaso ng Covid-19.

EXPLAINER: Ano ang Granular Lockdown?

Narito ang ilang mga detalye na dapat mong malaman sa Covid-19 Alert Levels System.

Alert Level 1

Ang pinakamababang antas ng alerto ay ipapataw sa mga lugar na may mababa o bumababang kaso ng Covid-19 transmission at healthcare utilization rate. Kabilang na dito ang hospital bed utilization at bilang ng mga pasyenteng kinakailangang gumamit ng Intensive Care Unit (ICU).

Sa ilalim ng Alert Level 1, walang paghihigpit sa galaw ng tao maliban na lamang sa mga ‘closed space’ at mga aktibidad na mangangailangan ng ‘close contact’ na tutukuyin ng lokal na pamahalaan.

Papahintulutan ang operasyon ng mga establisyemento at mga aktibidad sa full capacity nito ngunit kailangan ay maigting na sundin ang minimum public health standards.

Alert Level 2

Sa ikalawang antas ng Covid-19 alert levels system,  pinapahintulutan pa rin ang paglabas ng mga tao ngunit maaaring magkaroon ng paghihigpit batay sa edad at mga comorbidities na tutukuyin ng lokal na pamahalaan.

Ang mga panuntunan o restriksiyon na ipapataw ay hindi dapat maging mas mahigpit kaysa sa mga panuntunang umiiral sa Alert Level 4.

  • Ang mga outdoor exercises ay pinapayagan sa Alert Level 2 anuman ang edad, comorbidity o  vaccination status ng indibidwal.
  • Samantala, maaaring mag-operate hanggang sa 50-porsiyento ng kapasidad nito ang mga dine-in restaurants, personal care services, entertainment at recreational venues, mass gatherings, funeral services, meetings, incentives, conferences, exhibits, at mga indoor tourist attraction.
  • Ang mga establisyementong may Safety Seal Certifications ay maaari namang mag-operate hanggang sa 60-porsiyento ng kapasidad nito.
  • Ang iba pang establisyemento na hindi kasama sa restriksiyon ay maaari namang mag-operate gamit ang buong kapasidad nito maliban na lamang sa mga lugar na nakasailalim sa ‘granular lockdown.’
  • Kaunting empleyado lamang ang pinapahintulutan para sa on-site reporting at hinihikayat ang mga kumpanya na magpatupad ng work-from-home at flexible work arrangements.
  • Mananatili ring fully operational ang mga ahensiya ng gobyerno ngunit hanggang 50-porsiyento lamang ng kabuuang bilang ng mga empleyado ang papahintulutan sa lugar ng trabaho.

Alert Level 3

Isasailalim sa Alert Level 3 ang mga lugar na may mataas o dumaraming kaso ng Covid-19 at mataas na healthcare utilization rate.

Kabilang dito ang rate ng hospital bed utilization gayundin ang bilang nga mga pasyente ng Covid-19 na kinakailangang gumamit ng intensive care units.

Pinapahintulutan pa rin ang paglabas ng mga tao ngunit maaaring magkaroon ng pagihigpit batay sa edad at mga may comorbidities na maaaring tukuyin ng lokal na pamahalaan.

Ang mga panuntunan o restriksiyon na ipapataw ay hindi dapat maging mas mahigpit kaysa sa mga panuntunang umiiral sa Alert Level 4.

  • Maliban sa mga lugar na nasa granular lockdown, pinapayagan ang paglabas ng tao upang makabili ng essential goods at serbisyo, o magtrabaho sa mga pinapahintulutang industriya.
  • Pinapayagan din ang intrazonal at interzonal travel maliban na lamang kung may umiiral na restriksiyon sa pupuntahang lungsod o munisipalidad.
  • Papayagan rin sa Alert Level 3 ang outdoor exercises, anuman ang edad, comorbidity o  vaccination status ng indibidwal.
  • Maximum na 30-porsiyento indoor capacity ang ipapatupad para sa mga dine-in restaurant, personal care services, indoor tourist attractions, at indoor venues para sa mga meeting, incentives, conferences, at events, indoor recreational venues, indoor in-person examinations, indoor sports venues, gaming establishments, in-person religious gatherings, funeral services, at social gatherings.
  • Ang mga establisyementong may Safety Seal Certifications ay maaari namang mag-operate hanggang sa 40-porsiyento ng kapasidad nito.
  • Ang iba pang establisyemento na hindi kasama sa restriksiyon ay maaari namang mag-operate gamit ang buong kapasidad nito maliban na lamang sa mga lugar na nakasailalim sa ‘granular lockdown.’
  • Kaunting empleyado lamang ang pinapahintulutan sa lugar ng trabaho at hinihikayat ang mga kumpanya na magpatupad ng work-from-home at flexible work arrangements.
  • Mananatili ring fully operational ang mga ahensiya ng gobyerno ngunit 30-porsiyento lamang ng mga empleyado ang papahintulutan sa lugar ng trabaho

Alert Level 4

Ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4 ay nakararanas na ng mataas at patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 kung saan mataas na rin ang rate ng healthcare utilization nito pati na rin ang rate ng paggamit ng ICU para sa mga pasyente ng Covid-19.

Isasailalim ang lugar sa ika-apat na antas ng Covid-19 Alert Level System sakaling magkaroon ng nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng Covid-19.

  • Kaya naman, lilimitahan na ang paggalaw ng tao at hindi papahintulutang lumabas ang mga indibidwal na wala pang 18 taong gulang, maging ang mga edad na 65 taong gulang, mga may comorbidities, at mga buntis.
  • Maaari lamang silang  lumabas upang bumili ng essential goods at services,  o kung sila ay nagtatrabaho sa mga pinapahintulutang industriya.
  • Pinapayagan ang intrazonal at interzonal travel ng mga pinapahintulutang indibidwal maliban na lamang kung may umiiral na restriksiyon sa pupuntahang lungsod o munisipalidad.
  • Hindi naman papayagang mag-operate ang mga medical clinic, make-up salon, wellness at therapy center, tattooing at body piercing establishment, entertainment at recreational venue.
  • Pagbabawalan rin ang mass gatherings, meetings, incentives, conferences, exhibits, staycations, at mga indoor tourist attractions
  • Hanggang 30-porsiyento naman ng seating capacity ang papayagan para sa mga outdoor dine-in services, barbershops, hair spas, nail spas, beauty salon, at mga religious gatherings.
  • Maaari namang mag-operate hanggang 10-porsiyento indoor venue/seating capacity ang mga nabanggit na establisimyento, ngunit tanging mga indibidwal na mayroon ng kumpletong dose ng bakuna lamang ang papayagan.
  • Ang pagsasagawa ng mga necrological services gaya ng burol para sa mga namatayan ay lilimitahan lamang para sa mga malapit na kaanak at kailangan pa ring sumunod sa minimum public health standards.
  • Ang iba pang establisyemento ay maaari namang mag-operate gamit ang buong kapasidad nito maliban na lamang sa mga lugar na nakasailalim sa ‘granular lockdown.’
  • Pinapayagan sa Alert Level 4 ang outdoor exercises anuman ang edad, comorbidity o  vaccination status ng indibidwal ngunit limitado lamang sa kanilang ‘general area of residence’ (barangay, purok, subdivision, village) at kinakailangang sumunod sa minimum health protocols.
  • Kaunting bilang ng empleyado lamang ang pinapahintulutan sa lugar ng trabaho at hinihikayat ang mga kumpanya na magpatupad ng work-from-home at flexible work arrangements.
  • Mananatili ring fully operational ang mga ahensiya ng gobyerno ngunit 20-porsiyento ng mga empleyado lamang ang papahintulutan sa lugar ng trabaho.

Alert Level 5

Ang lugar ay isasailalim sa Alert Level 5 sakaling umabot na full bed capacity ang mga healthcare facilities nito para sa Covid-19 gayundin kapag umabot na sa critical level ang rate ng paggamit ng intensive care units nito.

Isasailalim ang lugar sa ika-limang antas ng Covid-19 Alert Level System sakaling magkaroon na ng nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng Covid-19.

Sa ilalim ng Alert Level 5 ay ipapatupad ang mga panuntunang umiiral sa enhanced community quarantine.